Ni NORA CALDERON
MARUNONG tumanaw ng utang na loob si Congressman Alfred Vargas at lagi niyang sinasabi sa mga interview kapag may bago siyang project na wala siya sa kinaroroonan niya ngayon kung hindi dahil sa mga nakasama niya sa entertainment industry simula pa nang pasukin niya ang showbiz.
Ngayon ay congressman siya sa District 5 ng Quezon City. Matagal na niyang nami-miss ang pag-arte kaya tuwang-tuwa siya nang i-offer sa kanya ang role sa Kambal Karibal bilang leading man nina Carmina Villarroel at Jean Garcia. Kasama rin niya sa serye sina Ms. Gloria Romero, Marvin Agustin at Christopher de Leon.
“Bilib na bilib po ako sa mga kasama ko rito, ang huhusay nila, kahit ang mga bagets na sina Miguel Tanfelix, Bianca Umali at Kylie Alcantara,” sabi ni Alfred. “Nakakatuwa rin magbasa ng mga tweets gabi-gabi habang pinapanood nila ang teleserye. May nagsasabing bagay daw kami ni Carmina dahil kape at gatas ang kulay namin. Amazed din ako, ang husay mag-memorize ng kani-kanilang lines sina Carmina at Jean. Kaya naman ako, gabi pa lang bago ang taping kinabukasan, nagmi-memorize na rin ng script ko, ayaw kong mapahiya sa mga leading ladies ko. At ang husay din ng director namin, si Don Michael Perez, na mag-motivate sa mga eksena namin.”
Ibinalita ni Cong. Alfred na pumasa na ang bill na co-authored nila ni Camarines Sur Congressman LRey Villafuerte titled “An Act Providing Incentives to the Film Industry.” Kapag nakapasa ito sa plenary session at sa Senate, tatanggap ng cash incentives ang sinumang mananalo sa iba’t ibang international film festivals. Tatanggap ng 5million pesos ang international full-length feature or documentay; P3-million for award-winning short feature or documentary films, P2-million for film directors/main artists/screenplay/technical support and P1 million for supporting artists and technical awardees.
Naniniwala si Cong. Alfred na maa-approve rin ito sa Senate once na in-approve na ng lower house. Kapag naging bill, automatic na bibigyan ito ng budget.
Bilang isa na ring movie producer, alam ni Alfred ang hirap ng pagpu-produce pero lalo silang masisikap na makagawa ng magagandang pelikula na panlaban sa mga international film festivals kapag naisabatas na ang bill nila ni Cong. Villafuerte.
Ang Kambal Karibal ay muling na-extend at mas marami pang mangyayari sa istorya. Napapanood ito gabi-gabi pagkatapos ng Sherlock, Jr.