ni Bert de Guzman
HINDI lang pala sa Kuwait ipagbabawal ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagpapadala o deployment ng mga Pilipino para maghanap-buhay. Ang deployment ban ay maaaring palawakin pa sa ibang mga bansa upang maiwasan ang pag-abuso, pang-aalipin at panggagahasa sa ating kababaihan.
Kapuri-puri ang desisyong ito ni Mano Digong. Kung siya man ay napupulaan dahil sa kanyang mga berde at sexist jokes sa Filipina women, dapat namang pasalamatan siya sa pagtatanggol sa kababaihang Pinay, kalimitan ay domestic helpers, sa panghahalay ng mga amo o employer na Arabo.
Maliwanag na may malasakit siya sa ating overseas Filipino workers (OFWs). Ayaw niyang magtungo roon ang ating mga kababayan para lang alipinin, gahasain at patayin (gaya ng pagsisilid sa isang freezer ng isang Pinay). Kaya lang Mr. President, hindi naman ang ibang mga bansa, tulad ng Saudi Arabia, Kuwait, Taiwan, China at iba pa, ang nakikiusap na magpunta at magtrabaho sa kanila ang mga ito.
Ang ating mga kababayan, partikular ang kababaihan, ang nagpupunta roon para magtrabaho dahil si Mister ay walang trabaho, kailangang pag-aralin ang mga anak. Samakatwid, nagpupunta sila sa Kuwait at iba pang mga bansang-Arabo sapagkat hirap sila sa buhay sa Pinas.
Para sa US Intelligence Community, si PRRD ay banta sa demokrasya sa Southeast Asia. Ito, ayon kay National Intelligence Director Daniel Coats, ay bunsod ng madugong drug war ng Pangulo at sa pahayag niyang sususpendihin ang Constitution.
Umalma ang Malacañang sa pahayag na ito ng US Intelligence Community. Para kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang report ay “myopic and speculative.” Binigyang-diin niya na si PDu30 ay matapat sa Konstitusyon at laging tumatalima sa rule of law.
Badya ni Roque: “For one, President Duterte is no autocrat or has autocratic tendencies. He adheres to the rule of law and remains loyal to the Constitution.”
Ayon sa report, ang demokrasya at human rights sa maraming bansa sa Southeast Asia ay nanganganib dahil sa mga tulad nina PRRD at Cambodian Pres. Hun Seng.