ni Clemen Bautista
ANG malamig na Pebrero ay Pambansang Buwan ng Sining o National Art Month. Ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang ahensiya ng pamahalaan na nangunguna sa paglulunsad ng iba’t ibang aktibidad na may kaugnayan sa sining at kultura.
Ang mga bayan naman sa iba’t ibang lalawigan ay may mga gawain ding inilulunsad. Mababanggit na halimbawa ang Binangonan, ang pinakamalaking bayan sa Rizal na binubuo ng mahigit 40 barangay. Bilang pakikisa at bahagi ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining, ang pamahalaan bayan at Sangguniang Bayan ng Binangonan ay magkatuwang na naglunsad ng timpalak sa pagguhit, ang “First Binangonan Painting Competition”.
Ayon kay Binangonan Mayor Cesar Ynares, isa sa mga layunin ng kumpetisyon ay mahikayat, mapasigla at matuklasan ang potensiyal sa larangan ng sining ng pagpipinta, hindi lamang ng mga pintor sa Binangonan, kundi maging sa iba’t ibang bayan sa Rizal. Ang tema o paksa ng painting competition ay “Binangonan sa Pananaw ng Isang Pintor”.
Sa paglulunsad ng First Binangonan Painting Competition, kabalikat ang Tanggapan ng Turismo ng Binangonan, 86 pintor, ayon kay Binangonan Tourism Officer Ronald Cenidoza, ang lumahok. Ang mga pintor ay mula sa Binangonan, Angono, Tanay , Antipolo City, Montalban, Cardona, Baras at sa iba pang bayan ng Rizal. Ang mga art work o likhang-sining ng mga pintor na sumali ay tinipon sa Binangonan Recreational and Conference Center (BRCC), at doon pinili ng board of judges—na binubuo ng mga kilalang artist sa Rizal at Metro Manila—ang mga nagwaging likhang-sining.
Matapos ang masusing pagsusuri sa mga lahok na likhang-sining, nagkaisa ang board of judges sa pagpili ng grand prize winner, isang first place winner, isang second placer, at limang honorable mention at 12 finalists.
Ang paghahayag ng mga nagwagi ay ginawa sa awarding ceremony at sa pagbubukas ng art exhibit sa Binangonan Recreational and Conference Center (BRCC) nitong Sabado, Pebrero 24, 2018.
Panauhin sa awarding ceremony at pagbubukas ng art exhibit sina Dr. Rose C. Ynares, ang First Lady ng Binangonan; Mayor Cesar Ynares; Gng. Mitos Diestro Trias, Rizal provincial planning officer, na kinatawan ni Rizal Gov. Nini Ynares; Dr. Corazon Laserna, Rizal provincial tourism officer; at Binangonan Sangguniang Bayan Member Rey Punelas, na isa ring kilalang pintor sa Binangonan.
Ang mga nagwagi sa First Binangonan Painting Competition ay sina: Arman Jay Arago, grand prize winner, na tumanggap ng P50,000, trophy at certificate; Mark Anthony Zalamadeda, first place, na tumanggap ng P40,000, trophy, at certificate; at Junevy F. Liosa, 2nd place winner, na tumanggap ng P30,000, trophy, at certificate.
Ang limang honorable mention ay tumanggap ng tig-P10,000, medalya at certificate of recognition, habang pinagkalooban naman ng pamahalaang bayan ng Binangonan ng certificate of recognition ang 12 finalists.
Sa bahagi ng mensahe ni Mayor Cesar Ynares, matapat niyang pinasalamatan ang lahat ng pintor na lumahok sa First Binangonan Painting Competition. Sa nasabing paligsahan ay lumutang ang talino, ang pagiging malikhain sa sining at kakayahan ng mga pintor, hindi lamang sa Binangonan kundi maging ng mga pintor sa iba’tibang bayan sa Rizal. Pinasalamatan din niya ang lahat ng nakiisa at nakipagtulungan sa painting competition.
Ayon pa kay Mayor Cesar Ynares, umaasa siya na ang First Binangonan Painting Competition ay simula pa lamang ng paghahangad ng pamahalaang bayan na mapasigla, matuklasan ang talino at potensiyal, at mapalawak ang pagiging malikhain ng mga pintor lalo na ng kabataan, na may pagpapahalaga sa sining ng pagpipinta.