Sinimulan na ang magkahiwalay na imbestigasyon sa mag-asawang amo ni Joanna Demafelis, ang overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang patay sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait, makaraang magkasunod na maaresto sa kani-kanilang bansa sa Lebanon at Syria.

Ayon sa mataas na opisyal ng General Security Directorate ng Lebanon, sinimulan na ang interogasyon kay Nader Essam Assaf, isa sa mga amo ni Demafelis sa Beirut makaraang maaresto nitong Biyernes.

Nasa kustodiya naman ng Damascus sa Syria at iniimbestigahan na rin ang misis ni Assaf na si Mona Hassoun.

Batay sa imbestigasyon, pinatay umano ng mag-asawa sa gulpi si Demafelis bago isinilid sa freezer dalawang araw bago nila lisanin ang inuupahang apartment sa Maidan Hawally noong Nobyembre 2016.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ngayong buwan lamang nadiskubre ang bangkay ni Demafelis, 29, sa freezer.

Naniniwala naman si Labor Secretary Silvestre Bello III na makakatulong ang pagdakip sa mag-asawang suspek upang maibalik sa normal ang ugnayang diplomatiko ng bansa sa Kuwait.

Ayon kay Bello, posibleng magkaroon ito ng positibong epekto para ikonsidera ni Pangulong Duterte ang pagbawi sa total deployment ban sa Kuwait.

Gayunman, kaagad na nilinaw ng kalihim na mangyayari lamang ito kapag lumagda na sa memorandum of agreement (MOA) ang Kuwaiti government para tiyakin ang proteksiyon ng mga OFW sa Kuwait, partikular ang mga domestic helper. - Roy Mabasa

at Mina Navarro