Ni Dandan Bantugan
TAGBILARAN CITY - Sinibak ng Office of the Ombudsman sa serbisyo ang isang alkalde ng Bohol dahil sa pagtatalaga nito sa puwesto sa apat na kapartido na pawang natalo sa eleksiyon noong 2013.
Inihayag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na napatunayang nagkasala sa grave misconduct si Panglao Mayor Leonila Montero.
Bukod sa pagkakasibak kay Montero, kanselado na rin ang kanyang civil service eligibility, retirement benefits at pinagbawalan na rin siyang humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Una nang sinuspinde ng Ombudsman nang tatlong buwan si Montero dahil sa reklamong simple misconduct kasunod ng pagtatalaga sa puwesto sa kanyang mga kapartido sa PDP-Laban.
Agosto 14, 2015 nang nagsampa ng grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service si Augustin Cloribel, ng Barangay Lourdes, Panglao, sa Ombudsman-Visayas laban kay Montero.
Nag-ugat ang usapin nang italaga ni Montero si Noel Hormachuelos, vice-mayoralty candidate noong 2013, bilang municipal administrator/consultant for administrative services; at ang kapwa kumandidato sa pagkakonsehal na sina Danilo Reyes, public information officer; at Apolinar Fudalan, coordinator ng Public Employment Service Office (PESO) at consultant sa livelihood at information technology programs ng Panglao.
Itinalaga rin ni Montero si Fernando Penales bilang consultant sa infrastructure and engineering services, na kumandidato ring konsehal sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA).
Inaasahang iaapela ni Montero ang kautusan ng anti-graft agency.
Pansamantalang itinalaga bilang acting mayor ng Panglao si Vice Mayor Pedro Fuertes.