Simula lamang ng positibong pagbabago sa sambayanang Pilipino ang 1986 People Power at marami pang dapat gawin.

Ito ang binigyang diin ni dating Pangulong Fidel Ramos sa kanyang talumpati sa commemorative program ng ika-32 anibersaryo ng EDSA Revolution na ginanap sa People Power Monument sa Quezon City, kahapon.

“Unang una, ‘yung ating 1986 EDSA People Power Revolution ay simula lamang ng pagbabago, hindi ang katapusan,” ani Ramos.

Dumalo ang dating pangulo sa pagtataas ng watawat ng bansa at pag-aalay ng bulaklak sa commemorative program na pinamunuan ng National Historical Commission of the Philippines, na dinaluhan ng 4,000 katao, ayon kay Quezon City Police chief Guillermo Eleazar.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We are just beginning. The outcome, which is a better future for all Filipinos, must be done by all succeeding presidential administrations,” sinabi pa ni Ramos.

Pinaalalahanan din niya ang publiko at ang kabataan na panatilihing buhay sa isipan ang mga aral na itinuro ng 1986 Revolution: ang unity, solidarity, at teamwork sa komunidad.

Pinamunuan din ni Ramos ang “Salubungan,” o ang taunang pagsasadula sa pagkakaisa ng mga puwersa sa panahon ng rebolusyon para patalsikin si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa seremonya, ginawaran si Ramos ng People’s Power Heroes Award para sa kanyang papel sa 1986 revolt na nagbigay-daan sa pagwawakas ng diktadurya.

Ibinigay din ang EDSA People Power Commission Award kina CPT Michael B. Asistores ng Philippine Army, at PO3 Christopher Lalan; at ang Spirit of EDSA Foundation and Good Citizenship Award kay Mr. Melvin Gaa, sa ginanap na programa.

Umaasa naman si Pangulong Rodrigo Duterte na lalo pang pagyamanin ng makasaysayang tagpo na ito ang pagkakaisa ng bawat Pilipino.

Ayon kay Duterte, ang rebolusyon sa EDSA ang nagsilbing “sagisag” ng panindigan ng mga Pilipino na ipaglaban ang tama, ipagtanggol at ipagsanggalang ang malayang pamumuhan ng mamamayan ng bansa. “Nawa ay pagkaisahin tayo ng okasyong ito sa pagtupad ng ating mga adhikain at mithiin para sa ating bayan,” aniya.

Nasa Davao si Duterte at hindi dumalo sa programa sa EDSA Shrine.

Para naman kay Vice President Leni Robredo, ang pinakamahalagang aral ng 1986 EDSA Revolution ay nasa kamay ng mamamayan ang kapangyarihan at lahat sila ay ipinaglaban ang demokrasya.

“Iyong kapangyarihan talaga nasa kamay nating lahat, nasa kamay ng bawat Pilipino. Hindi puwede iaasa sa gobyerno lamang,” ani Robredo, sa kanyang lingguhang programa sa radyo na “BISErbisyong Leni.”

Nagsalita siya via phone patch mula sa Naga City, na nagkaroon din ng candle-lighting ceremony para gunitain ang unang rebolusyon sa EDSA.

Sabay-sabay ding ginanap ang iba pang People Power activities sa Baguio, Pangasinan, Pampanga, Iloilo, Cebu, Siargao, Romblon, Quezon Province at ibang lugar sa bansa.

Sa kanyang homily sa misa bilang parangal sa Mary Queen of Peace o mas kilala bilang Our Lady of EDSA kahapon, binigyang-diin ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na makakamit lamang ang tunay na kapayapaan sa bansa kung matututo ang bawat isa na mapatawad ang kanyang kaaway.

“Jesus said, we should love our enemies…He said love them and pray for those who are against you,” ani Tagle. - Alexandria Dennise San Juan, Beth Camia, Raymund F. Antonio, Mary Ann Santiago