Ni Mary Ann Santiago
Tiniyak ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) na handang-handa na itong magbigay ng full security assistance para sa pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong Linggo.
Pinangunahan nina EPD Director Chief Supt. Reynaldo Biay, task group commander; at Senior Supt. Florendo Quibuyen, Deputy District Director for Operations, ang pagdaraos ng ocular inspection sa paligid ng EDSA Shrine, upang matiyak na handang-handa na ang lahat para sa pagdiriwang.
“Let us intensify all police operations and exhaust all available resources and manpower just to make sure that the celebration of the EDSA People Power Anniversary will be peaceful,” saad ni Biay.
Bukod sa presensiya ng mga pulis sa pamamagitan ng foot at mobile patrols, magtatayo rin ang EPD ng mga checkpoint sa lugar, gayundin ng mga Police Assistance Desk (PAD) sa mga lugar kung saan inaasahang magtitipun-tipon ang mga taong makikiisa sa aktibidad.
Kinansela rin ni Biay ang lahat ng official leave ng kanyang mga tauhan at tanging mga emergency at sick leave lamang ang pinayagan, upang matiyak ang full force deployment ng mga pulis sa panahon ng EDSA People Power Anniversary.
Samantala, iginiit naman ni Bishop-elect Bartolome Santos ng Diocese of Iba, Zambales, na ang tunay na kapayapaan ay nasa ating dugo at pananampalataya.
Ang pahayag ay isinapubliko ni Santos, kaugnay ng paggunita sa anibersaryo ng itinuturing na kauna-unahang “bloodless revolution” sa mundo.
“Sa atin pong bansa, ang kapayapaan ay nasa ating dugo, nasa ating pananampalataya at nasa ating pananalig. Ang Diyos ay Diyos ng Awa at Diyos ng kapayapaan,” lahad ni Santos, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Hinikayat din ng Obispo ang lahat na patuloy na humingi ng tulong sa Diyos, na pairalin ang kapayapaan para sa pagbabago, pag-ahon sa mga mahihirap mula sa karalitaan at maghatid ng bukal at tunay na tulong sa mga dukha.