Nina FER TABOY at JOSEPH JUBELAG
Sumuko na sa tropa ng pamahalaan ang 35 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Cagayan at sa Sarangani.
Unang nagbalik-loob sa gobyerno ang 20 rebelde sa Rizal, Cagayan.
Sa report ni Capt. Jefferson Somera, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO)-5th Infantry Division ng Philippine Army, kabilang sa 20 sumuko ang team leader na si alyas “Joren”, ”Javier”, ng Danilo Ben Command, 19, binata, taga-Barangay San Juan, Rizal, Cagayan.
Bukod sa mga miyembro ng NPA, kasama rin sa nagbalik-loob sa pamahalaan ang mga tagasuporta ng kilusan.
Si alyas Joren, ayon sa militar, ay kabilang umano sa Squad Tres, Platoon Bravo ng Northern Front, Komiteng Rehiyon-Hilaga Silangang Luzon na kumikilos sa Cagayan.
Nilinaw naman ni Lt. Col. Camilo Saddam, commanding officer ng 17th Infantry Battalion, na ang pagsuko ng rebelde ay dahil na rin sa negosasyon sa pagitan ng military at ni Rizal Vice Mayor Joel Ruma.
Samantala, nasa 15 rebelde naman ang sumuko sa gobyerno nitong Biyernes.
Inihayag ni Lt. Col Marion Angcao, 73rd Infantry Battalion commander, na ang naturang bilang ay kaanib ng NPA Guerilla Front 71 na nag-operate sa Sarangani at Davao Occidental.
Isinuko rin nila ang kanilang mga armas, na kinabibilangan ng anim na M-16 rifle, dalawang AK-47 rifle, at isang Carbine rifle.