Ni Ric Valmonte
NAPAKAHALAGA ng isasagawang kilos-protesta ng iba’t ibang sektor ngayong Biyernes bilang paggunita sa pagaalsa ng mamamayan laban sa rehimen ni dating Pangulong Marcos. Ang dating Pangulo ang siyang nagdeklara ng Martial Law, at sa loob ng 14 na taon, nanungkulan siyang isang diktador. Ngayong araw, 47 taon na ang nakaraan nang tibagin ng pwersa ng sambayanan ang moog ng diktadura. Napakahalaga ng kilos-protestang ito, dahil sa direksyon ding ito animo’y tumatahak ang kasalukuyang administrasyon.
Kamakailan, dinakip ng mga sundalo ang pinagsususpetsahang Islamic State (IS) terrorist na si Fehmi Lassqued at kasamang Pilipina na si Anabal Moncara Salipada, Upi, Maguindanao sa Room 409, Casa Blanca Apartment sa M. Adriatico Street, Malate, Manila. Iba’t ibang armas, bala at mga bahagi ng improvised explosive device (IED) ang nasamsam ng mga military at police counter-intelligence agent nang rekisahin nila ang apartment ng dalawa. Ayon kay PNP Chief Rolando dela Rosa, si Lassqued ay may Tunisian passport, pero nauna na itong nakilala na Egyptian at isinilang sa Syria. Siya, aniya, ay IS commander na labas-pasok sa bansa sa matagal nang panahon. “Iniimbestigahan pa ng mga autoridad kung si Lassqued ay may planong magsagawa ng terroristic activities,” sabi ni PNP Chief.
“Planted,” sabi nina Lassquad at Salipada tungkol sa nakuhang mga armas, bala, IED sa kanilang lugar. Itinaggi nila na kanila ang mga ito.
Ang dahilan kung bakit ideneklara ni Pangulong Duterte ang Martial Law at sinuspinde ang writ of habeas corpus sa buong Mindanao ay dahil sinakop ng mga militanteng kaalyado ng IS ang Marawi City. Bago matapos ang panahon ng kanyang ideneklarang Martial Law, muli siyang humirit ng pagpapalawig nito sa Kongreso hanggang December 31 ng taong ito. Maluwag na ibinigay ng Kongreso at kinatugan naman ito ng Korte Suprema. Kaya, madali na para sa Pangulo ang magdeklara na naman ng Batas Militar at ikakalat ito sa buong bansa. Isyu na lang ang magkaroon ng batayan. Sinimulan na ito kay Lassqued. Ang mga susunod pang mga mangyayari ay marami nang tulad ni Lassqued ang mahuhuli na taglay ang mga armas, bala at pampasabog dito sa Kamaynilaan at kanonoog pook. May mga pagsabog nang magaganap sa mga mataong lugar, tulad nang nangyari bago ideklara ni dating Pangulong Marcos ang Martial Law.
Kung sa panahon ni Marcos, ibinintang niya sa mga komunista ang mga ito, sa panahon ni Pangulong Duterte, ang mga salarin ay marami na. Mga Abu Sayaff, ISIS, NPA, Maute Group at kung sino pang pwedeng bansagang mga terorista. Kung idineklara ni Marcos ang Martial Law sa buong bansa para sagipin ang republika laban sa banta ng komunismo, magdeklara man si Pangulong Digong, ang dahilan ay hindi lamang lupigin ang komunismo kundi maging ang pagkalat ng ISIS na lagi niyang sinasabing nanganganib maging kalaban. Kasi, sila ang masigasig na nakikipagdigmaan sa mga ibang bansa. Ayan na nga’t nakahuli na sila ng ISIS na si Lassqued mismo dito sa Maynila.
Malaki ang maitutulong ng sama-samang pagkilos ng taumbayan ngayong Biyernes sa paggunita ng ipinakita nilang pwersa na nagpabagsak sa diktadurang labing apat na taong nagmalupit at napahirap sa mamamayan. Magsisilbi itong bababala sa mga nagnanais na gayahin ang ginawa ni dating Pangulong Marcos. At sana humugot pa ng panibagong lakas ang pwersang ito sa pagkawasak ng Marawi.