PSC officials at NSA representatives, hindi pinapasok sa POC meeting

NI ANNIE ABAD

HINDI na welcome ang Philippine Sports Commission (PSC) sa Philippine Olympic Committee (POC) general assembly.

Ito ang tahasang ipinadama ng liderato ng Olympic body nang harangin at hindi payagang makapasok bilang ‘observer’ ang mga opisyal ng sports agency sa isinagawang extra-ordinary general assembly meeting kahapon sa Wack Wack function room sa Mandaluyong City.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Hinarang kami, ayaw kaming papasukin. Dati ok kaming observer, ngayon hindi na,” pahayag ni PSC Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez.

Hindi nagtatama ng paningin sina Fernandez at POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco matapos ang naging sigalot bunsod nang ‘expose’ ng dating PBA star sa umano’y katiwalian ng Olympic body.

Kinakanlung din ng PSC ang mga miyembro ng karate na nagsiwalat na pagmamalabis at korapsyon kay Philippine karate-do Federation (PKF) secretary-general Raymund Lee-Reyes.

Ang PKF ay pinamumunuan ni Jose ‘Joey’ Romasanta na vice president ng POC at kilalang malapit kay Cojuangco.

Bahagyang nagkaroon ng diskusyunan sa pagitan nina Fernandez at Chess Association president at Congressman Prospero Pichay, matapos na harangin nina POC Sec-Gen Steve Hontiveros ang tropa nina fernandez, kasama sina Commissioner Charles Maxey, Celia Kiram at Arnold Agustin at si executive Director Sannah Frivaldo.

“We went here dahil gusto ni chairman Ramirez na maging observers kami. Kaso hindi daw kami pwede. Dahil sabi ni Congressman Pichay mag dedeliberate pa raw sila para pag usapan ‘yung letter. And definitely they are there not to talk about the election on the 23rd,” pahayag ni Fernandez sa live streaming interview sa Facebook.

Ipinaliwang ni Pichay na pag-uusapan lamang nila ang tungkol sa liham ng IOC at hindi ang eleksyon na iniutos na isagawa ng Pasig RTC upang resolbahan ang isyu sa liderato ng POC.

“There should be no government intervention in this meeting. We are just to deliberate on the letter,” ani Pichay.

Gayunman, inamin din ni Pichay na hindi ang tungkol sa eleksyon ang kanilang pag uusapan gayung wala naman umanong magaganap na eleksyon para sa POC, taliwas sa iniutos ng korte.

“The election will not push through” ani Pichay.

Nakatakda namang magsagawa ng Board meeting ang PSC sa darating na Huwebes upang talakayin ang aksyon nila ukol sa iniasal ng POC.

Kamalawa lamang nang magbigay ng babala ang PSC sa POC na ayusin ang gusot sa kanilang kumite upang hindi mapilitan ang ahensya na putulin ang suporta nito sa mga national sports association.

Nitong Pebrero 9, ipinag-utos ng International Olympic Committee (IOC) ang extra ordinary meeting ng general assembly para maresoba ang isyu sa liderato matapos ibasura ng Pasig Regional Trial Court na ‘null and void’ ang naganap na election sa POC noong 2016. Ipinag-utos din ng korte ang bagong election sa Feb. 23 kung saan dapat payagan si boxing chief Ricky vargas na tumakbo sa pangapangulo.