(Una ng tatlong bahagi)
ni Dave M. Veridiano, E.E.
SA buong panahon na ako ay mamamahayag, ni minsan ay ‘di bumaba ang mataas na paghanga ko sa mga kaibigan kong nasa intelligence community, na karamihan sa ngayon ay OLDIES o RETIRED na sa serbisyo, ngunit aktibo pa rin sa paniniktik…Wala pa rin silang kakupas-kupas sa pagtatrabaho, kaya kahit wala na sa serbisyo ay animo nilalapitan sila ng mga “intelligence information” na pinakikinabangan naman na “Gratis et Amore” ng ating pamahalaan at ilang kaibigan nila sa media, kasama na ako rito!
Malaki pa rin kasi ang pagtitiwala sa trabaho nila ng mga naging “counterpart” nilang banyaga noon, kaya naman, ang mga ito ang sumusuporta sa SLEUTHING nila sa ngayon. Harimunan o raket, kung baga…nag-e-enjoy na, nakatutulong sa pamahalaan at kumikita pa!
Malaking tulong din sila sa mga bagong henerasyon ng mga tiktik sa pamahalaan – na nasa militar, pulis at sibilyan – na ang trabaho ay sobrang iniaasa na lamang sa mga nasasagap nilang tsismis sa mga social media at mga pekeng website na nagkalat sa ngayon…May ilan din kasi sa mga ito na kinakitaan nila ng “potential” sa trabaho kaya pinagtitiyagaan nilang “alagaan at turuan” upang mapakinabangan ng bayan.
Nito lamang weekend, habang naghuhuntahan kami ng mga kaibigan kong ito sa loob ng isang coffee shop sa isang malaking mall sa San Juan, ay may natanggap akong text message mula sa isa sa apat na kahuntahan kong mga OLDIES na tiktik…Natawa ako habang binabasa ang “intelligence info” na p’wede namang sabihin nang harapan ay ibinato pa sa cellphone para ‘di matunugan nung iba pa naming kakuwentuhan!
Kung baga sa termino naming taga-media ay “Breaking News” ang impormasyon – na Linggo na ng tanghali ay di ko pa rin na-momonitor na ibinabalita ng mga kasamahan ko sa media…Ganyan katindi ang SCOOP na makukuha sa mga matitinik na operatibang tiktik, kaya masarap silang maging kaibigan, lalo pa’t isa kang aktibong mamamahayag.
Ang laman ng text na ipinadala sa akin ng kaharap kong tiktik, ay hinggil sa umano’y pagkakaaresto ng isang Tunisian national, na hinihinalang miyembro ng teroristang grupong ISIS. Ang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Huwebes ng gabi sa Casablanca Apartment sa may Ermita, Maynila.
Inaresto rin ang isang babae na umano’y kinakasama nito at hinihinalang ito ay miyembro rin ng teroristang grupong naka-base rito sa Metro Manila. Nakakumpiska rin ang mga operatiba ng iba’t ibang dokumento, at pipe bomb na masusing pinag-aaralan ngayon ng mga intel analyst ng NCRPO.
Excited ako sa “Breaking News” na ito, ang problema ay ‘di ako makapagtanong ng iba pang detalye hinggil sa operasyon, dahil palihim lang nga ang pagkaka-text nito sa akin – senyales na ‘di pa ito alam ng ibang tiktik na kakuwentuhan namin.
Ang tanging pag-asa ko na lamang na makapagtanong ay kung may magte-text din sa kanila ng parehong impormasyon at isi-share nila ito agad sa buong grupo…Matama akong naghintay ngunit kung saan-saan lamang lumilipad ang aming usapan, na karamihan ay hinggil sa umano’y lumalakas na puwersa ng mga komunistang grupong New People’s Army (NPA), na patuloy ang walang tigil na pagpaparamdam ng kanilang bagong lakas sa mga lalawigan sa buong bansa, partikular na sa Mindanao.
Ang mainit na paksa ay kung saan nanggagaling ang pondo ng mga NPA, na walang patid ang pagsalakay sa puwersa ng militar at pulis, at sa kumpanya ng mga negosyante na tumatangging magbigay sa kanila ng “revolutionary taxes” kapalit ng “proteksyon” mula sa kanilang grupo.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]