Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Bagamat isa sa kanyang malalapit na kaalyado noong nangangampanya pa siya sa pagkapangulo dalawang taon na ang nakalipas, nagpasya si Pangulong Duterte na hindi na i-renew ang termino ni Social Security System (SSS) Commissioner Jose Gabriel La Viña dahil umano sa kurapsiyon.

Ito ang ibinunyag kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pahayag na inilabas kahapon.

“Let this be a reminder to all public officials that the President is serious in curbing corruption and has strong resolve to promote good governance,” ani Roque.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Ayon kay Roque, nagpasya si Duterte na tapusin na ang termino ni La Viña dahil umano sa mga hinihiling nito, at sa umano’y paninira sa mga ehekutibo sa SSS na hindi nito kasundo. Nagsilbi si La Viña sa holdover capacity makaraang magtapos ang termino nito noong Hunyo 30, 2017.

Sinabi ni Roque na humingi umano si La Viña ng budget na P26 milyon upang pondohan ang “social media” project nito, kung saan ito ang magiging TV host; at ng P1.6 milyon buwanang budget para sa media advertising program, na parehong tinanggihan.

Napaulat na humiling din umano si La Viña ng accreditation para sa pitong broker para pangasiwaan ang SSS investments.

“The accreditation was denied because these brokers could not meet the requirements,” ani Roque,

Dagdag pa ni Roque, naglunsad umano si La Viña ng vilification campaign laban sa apat na opisyal ng SSS—dalawa sa mga ito ang nagbitiw na sa tungkulin, at ang isa ay consultant ngayon ng Secretary of Finance.

“Despite an ongoing investigation, Mr. La Viña called a press conference and spoke against these four executives,” ani Roque.