Ni Lyka Manalo
TALISAY, Batangas - Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang driver ng service van na umano’y tumangay sa mga gamit ng apat na Korean na pasahero nito sa Talisay, Batangas nitong Huwebes ng gabi.
Sa pagsisiyasat ng Talisay Police, nakilala ang suspek na si Noel Sabater.
Binanggit ni PO3 Joel Mangubat sa kanyang report na nagreklamo laban kay Sabater sina Lee Yoonchan, 19; Lee Youngil, 44; Lee Youngoh, 42; at Won Hyunyoung, 44 anyos.
Sinabi ni PO3 Mangubat na dumulog sa pulisya ang mga biktima upang humingi ng tulong na mabuksan ang kanilang service van nang hindi na nila makita ang driver nito.
Nang buksan ng mga pulis, nadiskubre nila na wala na ang mga gamit ng mga dayuhan, na may kabuuang halaga na P100,000.
Bago ito, nagpaalam ang mga Korean kay Sabater na kakain sa isang beach resort sa Barangay Sta. Maria, at pinasyalan din ang Taal Volcano.
Nang makabalik ay hindi na umano nila mahagilap ng mga dayuhan ang driver, na basta iniwan ang sinasakyan nilang van (conduction sticker GC-0715) sa national highway.