Ni Celo Lagmay
ISANGmalaking kabalintunaan na ang Department of Agriculture (DA) ang nagbebenta ngayon ng murang commercial rice samantalang ang National Food Authority (NFA) ay walang maipagbiling kahit ordinaryong bigas; laging ipinangangalandakan ng DA na tayo ay may sapat na aning palay samantalang lagi namang dumadaing ang NFA na halos masaid na ang kanilang imbak na bigas o rice stock.
Hindi natin dapat ipagtaka ang gayong magkasalungat na paninindigan ng nabanggit na mga tanggapan na kapwa nasa ilalim ng tanggapan ni Pangulong Duterte. Ang DA na pinamumunuan ni Secretary Manny Piñol at ang NFA na nasa ilalim ng liderato ni Jason Aquino ay magugunitang pinaghiwalay ng nakaraaang Aquino administration na sa paningin ko ay walang lohika.
Isipin na lamang na ang NFA – kabilang ang Philippine Coconut Authority (PCA), National Irrigation Administration (NIA) at Fertilizer Authority (FA) – ay binaklas sa DA samantalang ang mga tungkulin nito ay may kaugnayan sa agrikultura. Isang bagay ang maliwanag: Ang pamumuno sa naturang mga tanggapan na malimit taguriang hiwalay na republika ay ipinaubaya sa isang kaalyado ni dating Pangulong Aquino – kay Senador Francis Pangilinan – sa dahilang hindi mahirap unawain.
Ang naturang masasalimuot na mga pangyayari ang nagiging dahilan ng mistulang pagbabangayan, pagtuturuan at pagsisisihan sa ating problema sa kawalan ng mabiling NFA rice; mga isyu na naglantad sa sinasabing pagpapabaya ng naturang ahensiya sa mandato nito na mamili ng palay sa ating mga magsasaka, lalo na ang mga nasa malalayong lalawigan. Lagi silang nauunahan ng mga negosyante na laging kabalikat ng mga magbubukid na ang buying price ay higit na mataas kaysa sa P17 kada kilo na itinakda ng NFA. Dapat lamang asahan na sila ay magbebenta ng kanilang aning palay sa naturang mga traders na sa paniwala ni Secretary Piñol ay mga gahaman.
Sa pagbebenta ng bigas sa iba’t ibang panig ng kapuluan, dapat talasan ng DA ang posibleng pagsabotahe ng ilang sektor ng mga negosyante. Naniniwala ako na aktibo pa at naglipana ang pasimuno sa rice cartel, lalo na ngayon na pinahihintulutan na ng Pangulo ang pag-angkat ng 250,000 metric tons ng bigas.
Ang rice cartel – at iba pang cartel na tulad ng sibuyas, bawang, at iba pang produkto ng agrikultura – ang lumilikha ng artificial shortage ng mga produkto sa kapinsalaan ng ating mga mamimili.
Ang ganitong mga salot ng lipunan ang dapat atupaging lipulin ng gobyerno upang gumaan naman ang pabigat na pinapasan ng sambayanan.