Ni Antonio L. Colina IV

Pitong miyembro ng Maute-ISIS at dalawang kasapi ng Abu Sayyaf ang inilipat nitong Linggo sa special intensive care area ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City mula sa Davao City Jail sa Maa.

Ito ay alinsunod sa kahilingin ng BJMP-Davao, City Peace and Order Council, City Prosecutors Office at ni Defense Secretary Delfin Lorenza sa Supreme Court.

Ililipat din ang paglilitis ng mga ito sa mula sa Regional Trial Court (RTC) sa Davao papunta sa RTC sa Taguig City.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Sa isang pahayag, inihayag ni BJMP-11 Director Senior Supt. Amelia A. Rayandayan na ang mga nakadetineng miyembro ng Maute ay kinasuhan ng terorismo at multiple murder with multiple frustrated murder kaugnay ng Roxas Night Market bombing noong Setyembre 2, 2016, na ikinasawi ng 15.

Samantala, sinabi ni Rayandayan na ang mga nakadetineng miyembro ng Abu Sayyaf ay nahaharap sa kasong kidnapping with homicide, na may kaugnayan sa pagdukot sa Canadian na si John Ridsdel noong Setyembre 21, 2015 sa Samal, Davao del Norte.