Ni PNA

NAGTULUNG-TULONG ang militar at ang mga lokal na opisyal sa aktibidad nitong Martes na layuning tiyakin ang malusog at maberdeng kapaligiran para sa susunod na henerasyon.

Pinangunahan nina Maj. Gen. Arnel dela Vega, commander ng 6th Infantry Division (6ID) ng Philippine Army, at Alamada, North Cotabato Mayor Noemia D. Bartolome ang tree planting activity sa 171-ektaryang lupa sa Camp Paulino Santos sa Barangay Dado.

Pinamunuan naman ni Brig. Gen. Manolo Samarita, commander ng 602nd Infantry Brigade (IB) ng Army, ang nasabing aktibidad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Lumahok sa naturang aktibidad ang dating tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na si retired Director Nicanor Bartolome, asawa ng alkalde, at ang mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Dela Vega na ang kanyang dibisyon at ang lahat ng unit sa ilalim nito ay sumusuporta sa National Greening Program (NGP) ng gobyerno na puntiryang makapagtanim ng 1.5 bilyon puno sa 1.5 milyong ektaryang lupa sa buong bansa.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Paris Agreement on Climate Change, at pormal nang umanib ang Pilipinas sa global accord na magbabawas sa paglalabas ng carbon.

Target ng priority program ng gobyerno, ang greening project, na tumulong sa pagpapababa sa antas ng kahirapan, isulong ang kasiguraduhan sa pagkain, papaghusayin ang kalikasan, at pangalagaan ang biodiversity.

Pinaghuhusay din nila ang pagsugpo sa climate change. Ang programa ay nakadisenyo na maghatid ng alternatibong kabuhayan para sa mahihirap sa kabundukan at sa kapatagan. May kaugnayan din ito sa pagpo-produce ng buto at pangangalaga, at pagpapalaki ng mga bagong tanim na puno.

Bukod sa inisyatibong reforestation, tinitingnan din ang NGP bilang climate change mitigation strategy dahil sa pagnanais nitong mapag-ibayo ang kalagayan ng kagubatan sa bansa, upang makasipsip ng carbon dioxide, na pangunahing sanhi ng global warming.

Bilang bahagi ng kontribusyon sa pagpapabuti ng kapaligiran, inihayag ni dela Vega na ang lahat ng opisyal at tauhan ng 6ID ay kailangang makapagtanim ng 25 binhi kada taon, na alinsunod sa tungkulin ng militar sa kanilang adbokasiyang pangalagaan ang kalikasan.