Ni Liezle Basa Iñigo
BINALONAN, Pangasinan - Isang dating sundalo ng Philippine Army (PA) ang inaresto matapos na mabaril at mapatay ang anak niyang lalaki sa Barangay Mangcasuy sa Binalonan, Pangasinan nitong Huwebes ng gabi.
Nakilala ng Binalonan Police ang biktimang si Aurelio Asimba, 30, na napatay ng ama niyang si Manuel Asimba, 60 anyos.
Bago ang insidente, nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag- ama sa hindi pa malamang dahilan hanggang sa mauwi sa pamamaril.
Nasawi kaagad sa pinangyarihan ng krimen ang nakababatang Asimba sanhi ng tatlong tama ng bala ng .45 caliber pistol.
Nakakulong ngayon ang suspek, at nahaharap sa kaukulang kaso.