Umaasa si Senator Grace Poe sa pangako ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na magiging maayos na sang serbisyo ng Metro Rail Transit (MRT)-3 sa katapusan ng Pebrero.

“Yung sinasabi nila na by the end of February gagaan na ang pagdurusa (ng mga pasahero) dahil darating na ang mga parts na in-order nila. Talagang lahat tayo inip na inip na. Siguro ang magiging deadline natin kay Sec. Tugade ay ang ipinangako nyang by February, gagaan na [ang sitwasyon sa MRT] dahil darating na ang mga parte,” sabi ni Poe, chairperson ng Senate committee on public services.

Araw-araw kasi ay nagkakaaberya ang MRT, at pinabababa ang daan-daang pasahero, na minsan ay napipilitan nang maglakad sa riles.

“Matagal na kasi nilang sinasabi sa atin na by December of 2016 magiging maayos na ang serbisyo. Ilang extension na ‘yan na iba-ibang dahilan,” sabi ni Poe.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Talagang urgent ‘yan. Pero siyempre, kailangan din nila ng ulo. Kailangan nila ng isang magpapatron at magsasabi kung ano ang gagawin, ano ang kailangang i-order, at ano ang kailangang bantayan,” dagdag pa ng senadora.

Una nang hiniling ni Poe sa Office of the Ombudsman na pabilisin ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya, at iba pang dating opisyal ng kagawaran, dahil sa hindi maayos na pagkuha ng kontrata para sa MRT.

“Ang aking serbisyo lamang talaga ay unang-una ay mapanagot—sa pamamagitan ng rekomendasyon—ang mga nagkasala d’yan. Pangalawa, hindi sila tigilan sa kanilang responsibilidad na gampanan ang kanilang trabaho kung kalampagin man sila at magrekomenda ng kanilang pananagutan,” sabi pa ni Poe. - Leonel M. Abasola