Ni Rommel Tabbad at Mina Navarro
Tatlong porsiyento ang itataas sa buwanang kontribusyon ng Social Security System (SSS) sa mga miyembro nito sa Abril ngayong taon.
Inilahad ni SSS Chairman Amado Valdez na hiniling na ng ahensiya kay Pangulong Duterte na gawing 14% ang contribution rate ng mga miyembro mula sa dating 11%.
Depensa ni Valdez, layunin ng contribution rate increase na mapababa ang epekto ng pagtaas ng pension rate noong nakalipas na taon.
Nilinaw din ng opisyal na hindi naman umano mararamdaman ng mga SSS member ang epekto ng naturang hakbangin, dahil two thirds nito ay sagot ng kumpanya ng mga ito.
Iginiit naman ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) spokesman Alan Tanjusay na hindi tamang ang dagdag-kontribusyon ang maging tanging paraan upang mapanatiling buhay ang pondo ng SSS.
Aniya, mali rin ang timing ng dagdag-kontribusyon sa mga miyembro ng SSS, na naaapektuhan ngayon ng kabi-kabilang taas-presyo na epekto ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sinabi ni Tanjusay na aapela sila sa Pangulo upang ibasura ang contribution rate hike.