Ni Aris Ilagan
KABILANG ba kayo sa libu-libong motorista na naipit sa mabigat na traffic sa Skyway northbound lane noong Martes?
Bumaha ng mga video na kuha ng mga netizen sa mga naipit na sasakyan sa Skyway na nagsimula nang umaga pa lang at tumagal ng halos hanggang hapon.
Ito’y resulta ng pagpapatupad ng Skyway operator ng bagong tollway collection na nagdulot din ng kalituhan sa mga motorista.
Umuulan ng mura at pagbatikos ng mga netizen na ipinukol sa Skyway operator dahil hindi umano pinagplanuhan nito ang pagbabago sa tollway fee collection scheme.
Mayroong video na ipinost at naging viral sa Facebook na nagpapakita nang dalawang kotse at isang SUV habang naggigitgitan sa gitna ng Skyway. Nakapagpalala rin sa trapik ang pagbaba ng mga driver at pasahero nito habang kinukunan ng video ang kanilang pagigitgitan sa elevated structure.
Habang kumukuha ng video ang mga nagigitgitan ay nakabalandra naman ang kanilang sasakya sa gitna ng Skyway.
At habang nangyayari ito, kumukuha rin ng video ang mga ‘usi’ o usisero na nakapagpabagal rin ng daloy ng mga sasakyan.
Parang mga batang pasaway ang inasta ng mga nagitgitan dahil idinaan sa video ang kanilang sama ng loob, sa pagasang ito ay makakukuha ng simpatya mula sa ibang netizen.
Ngunit sa kabaliktaran, sila rin ay minumura ng mga netizen dahil imbes na sumunod sila sa daloy ng trapik ay nakapagpalala pa sila ng sitwasyon doon.
Ito ay nagpapatunay na talagang nawawala na ang disiplina sa hanay ng mga motorista dahil sa nangyayaring ‘free-for-all’ sa lansangan. Wala nang sumusunod sa batas trapik.
Agad namang natauhan si Transportation Secretary Arthur Tugade at ipinagutos sa Toll Regulatory Board na itigil muna ang pagpapatupad ng bagong toll fee collection scheme.
Sa kanyang kalatas, inamin ni Tugado na kulang sa preparasyon ang TRB at Skyway authorities kaya’t ipinagutos nito na ibalik ang dating ‘pay-as-you-enter’ scheme upang hindi maulit ang nangyari nitong Martes.
Hindi rin natin masisi ang mga dumaraan sa Skyway na maimbiyerna dahil sa kabila ng malaking halaga na kanilang ibinabayad upang makadaan sa elevated portion ay palpak pa rin ang serbisyo na kanilang napapala.
Ubod nang mahal ang toll fee sa Skyway kaya nararapat lang na dekalidad na serbisyo ang kanilang ibigay sa mga motorista.
Sana’y hindi maulit ang ganitong sitwasyon dahil malaki ang ikinalulugi ng mga motoristang naiipit sa trapik.
Sang-ayon din ba kayong panagutin ang mga nasa likod ng palpak na implementasyon ng bagong toll fee collection scheme?