Griffin copy

Griffin, na-trade sa Detroit; apat na sunod natuhog ng Bucks.

LOS ANGELES (AP) – Isang linggo bago ang deadline sa NBA trade, sopresang ipinamigay ng LA Clippers si Blake Griffin -- ang one-time ‘Slam Dunk’ king at isa sa haligi ng koponan – sa Detroit Pistons, ayon sa magkakasabay na report nina David Aldridge ng TNT, Adrian Wojnarowski ng ESPN at Shams Charania ng Yahoo.

Batay sa impormasyon na nakuha ng tatlong batikan na NBA analyst, kasama ni Griffin na ipinamigay sina guard Willie Green, forward Brice Johnson at karapatan sa second-round draft, kapalit nina guard Avery Bradley, forward Tobias Harris, center Boban Marjanovic, first-round at second-round draft pick.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Walong taon si Griffin sa LA na kumuha sa kanya bilang top overall pick noong 2009. Lumagda siya ng five-year contract extention nitong summer kung kaya’t sopresa ang naturang desisyon ng Clippers management. Kasalukuyang nasa No.9 ang Clippers sa Western Conference tangan ang 25-24.

Ang desisyon ay tila pahiwatig para sa bagong simula ng Clippers na nagawang makapanalo ng 50 laro sa nakalipas na limang season matapos ang mapait na kampanya simula noong 1970.

Nagawang maipamigay ng LA si All-NBA point guard Chris Paul sa offseason, ngunit, sa kabila nito maayos ang takbo ng kampanya ng koponan sa pangunguna nina Griffin at DeAndre Jordan.

Sa kabila nito, nagawa pa ring bitawan ng Clippers si Griffin at malakas ang ugong-ugong na kasunod na mawawala si Jordan.

Mismong si Griffin ay nagulat nang malaman ang naturang ulat at sa kanyang post sa Twitter, inilabas niya ang lumang larawan ng gulat na gulat na si Will Smith.

BUCKS 107, SIXERS 85

Sa Milwaukee, patuloy ang ratsada ng Bucks, sa pangangasiwa ni interim coach Joe Prunty, nang pataubin ang Philadelphia Sixers.

Hataw si All-Star starter Giannis Antetokounmpo sa naiskor na 31 puntos at 18 rebounds, habang tumipa si Matthew Dellavedova ng 10 puntos sa fourth period para sandigan ang Bucks sa ikaapat na sunod na panalo mula nang sibakin si coach Jason Kidd.

Nanguna si Dario Saric sa Sixers na may 19 puntos, habang kumana si Ben Simmons ng 16 puntos.

Kumana ang Bucks ng 11 for 28 sa three-point territory, kabilang ang ratsada nina Tony Snell (11 puntos), Sterling Brown (10 puntos) at Dellavedova. Sinindihan ni Dellavedova ang 12-4 run ng Milwaukee mula sa reverse layup para sa 15 puntos na bentahe may 4:15 ang nalalabi.

HAWKS 105, WOLVES 100

Sa Atlanta, walang panama ang bangis ng Timberwolves sa matalas na kuko ng Hawks, sa pangunguna ni Kent Bazemore na tumuka ng 22 puntos, kabilang ang three-pointer na bumasag sa huling pagtabla para sa 99-96 bentahe may 2:09 sa laro.

Sa sumunod na aksiyon, nabutata niya ang pagtatangka ni Jeff Teague para sa isa pang baskets na nagpatibay sa bentahe ng Hawks.

Naidikit ng Wolves ang iskor sa 101-100 mula sa layup Taj Gibson, ngunit nasayang ang pagkakataon na maagaw ang bentahe sa five-second violation ni Teague may 14.5 segundo sa laro.

Naisalpak ni Schroder, kumana ng 18 punto, ang huling apat na free thorws para selyuhan ang panalo ng Hawks.

Nanguna si Jimmy Butler sa Wolves na may 24 puntos at kumubra si Andrew Wiggins ng 18 puntos.

PACERS 105, HORNETS 96

Sa Indianapolis, ginapi ng Pacers, sa pangunguna ni Victor Oladipo na may 25 puntos, ang Charlotte Hornets.

Kumamada rin si Myles Turner ng 22 puntos para sa ikalawang sunod at ikaapat na panalo sa huling limang laro.

Nagsalansan si Kemba Walker ng 23 puntos para pangunahan ang Hornets, habang kumikig si Dwight Howard ng 22 puntos at 11 rebounds sa Charlotte.

HEAT 95, MAVS 88

Sa Dallas, sa isa pang pagkakataon, nawalis ng Miami Heat ang heads-up sa Mavericks ngayong season.

Nakontrol ng Heat ang tempo ng laro tungo panalo na humila sa kanilang dominasyon sa Mavs.

Nanguna si Harrison Barnes na may 20 puntos sa Mavs (16-35), habang kumana si Wesley Matthews ng 19 puntos.

Ito ang ika-14 na pagkakataon sa nakalipas na 30 seasons na nawalis ng Heat, nagwagi sa Dallas, 113-101, sa home game nitong Dec. 22, ang kanilang match-up sa regular-season series. Nagharap ang dalawang koponan sa NBA Finals at tabla sa 1-1. Nagwagi ang Heat noong 2006, habang namayagpag ang Dallas noong 2011.