PATULOY na hinahangaan sa kanyang wit, charm at humor si Ryzza Mae Dizon sa bago niyang karakter na ginagampanan sa Eat Bulaga.

Ryzza Mae Dizon as Boss Madam copy copy

Tapos na ang mga araw na “Aling Maliit” pa ang tawag kay Ryzza dahil mas kilala na siya ngayon bilang Boss Madam sa popular na segment ng show na “Barangay Jokers”.

Simula noong nakaraang Nobyembre, napapanood ang dating Little Miss Philippines winner na nakadamit pangmatanda, nakikipagpalitan ng jokes sa EB Baes members na sina Jon Timmons, Kenneth Medrano, Joel Palencia, Tommy Penaflor, Kim Last at Miggy Tolentino, at nire-reenact ang gags at jokes ng dabarkads.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Masaya palang maging boss,” sabi ni Ryzza na nakasuot ng fur coat, oversized sunglasses at kitten heels. “Masaya kasi ibang role naman ito and bago siya para sa akin. Gusto ko din yung character niya kasi kahit masungit siya, meron pa rin siyang good heart.”

Bilang Boss Madam ay nabago na ang kanyang karakter at nabigyan din ng pagkakataon na mas makatrabaho ang creative head ng Eat Bulaga na si Jeny Ferre.

“Walang sekreto basta focus ka lang sa trabaho and sa character na binigay sa iyo. Malaking tulong din ang suporta ng mga kasama ko sa EB. Tinutulungan nila ako kung ano ang gagawin at paano ma-deliver ng maayos ang aking mga linya.

Meron din akong stylist na siyang nag-aayos ng lahat ng aking isusuot. Tinutulungan din ako ni Tita Ruby (Rodriguez) and Tita Pia (Guanio) para sa ibang bags na ginagamit ko. Nai-enjoy ko ang role dahil parang hindi siya trabaho,” sabi pa ni Ryzza.

Ayon naman kay Ferre, hindi mahirap isipan at hanapan ng roles si Ryzza. Hindi ganito ang sitwasyon noong unang mga taon ni Ryzza sa showbiz na inamin ni Ferre na nahirapan silang mag-isip ng konsepto na akma para sa noon ay 7 years old na child star.

Nang makita ni Ferre ang natural wit at karisma ni Ryzza sa harap ng kamera, ginawi niya itong talk show host sa The Ryzza Mae Show na ang naging peg ay si Ellen DeGeneres.

“Ryzza really is my biggest gamble. Hindi ko pa alam kung paano sisimulan noon but the show survived for two and a half years. I feel so proud of her. Kailangan mo lang talagang bigyan ng pagkakataon at mag-bloom siya at magiging tunay na star,” saad ni Ferre.

Anim na taon na rin ang lumipas simula nang manalo sa Little Miss Philippines si Ryzza pero mainit pa rin ang passion, hunger at dedikasyon nito sa trabaho.

Ayon sa kanyang ina, hindi pa rin makapaniwala ang kanilang pamilya sa pagkakataon na ibinigay sa kanila ng Eat Bulaga. Ibang-iba na ang buhay nila ngayon sa buhay nila noon sa Angeles, Pampanga.

“Hanggang ngayon hindi kami makapaniwala sa suwerte na binigay sa amin ng Panginoon... na nag-iba ‘yung buhay namin dahil na din sa kanya. Lagi kong pinapaalala sa kanya na hindi lahat ng bata nabibigyan ng pagkakataon na makapasok sa Eat Bulaga. Hindi lahat ng bata nagkakaroon ng pagkakataon na makapag perform sa TV kaya laging magpapasalamat,” ani Mommy Rizza.

Si Ryzza ay parang nabubuhay sa kanyang mga pangarap. Gusto niyang makagawa ng marami pang pelikula, gumanap sa iba’t ibang roles, at makatrabaho ang iba’t ibang artista. Gusto niyang patuloy na makapagbigay saya sa bawat Pilipino.

“Kapag nakakadinig ako ng praises, ng good job, mas gusto ko pang galingan ang trabaho ko. ‘Pag may nagsasabi ng good comments, super happy ako at pag nahihirapan ako, iniisip ko na lang din yung mga sinsabi ng mga tao para mas ma-inspire ako.”

Ang kanyang mensahe para sa mga batang nangangarap din na pumasok sa showbiz:

“Mag-pray lagi kay Papa Jesus kasi sa kanya naman galing ang lahat ng ito. Lagi din pinapaalala ni Mama na dapat makikinig, mag focus sa lahat ng gagawin at laging mag thank you sa lahat ng blessings. Kung pangarap nila ay maging artista, maari naman iyong matupad basta pagbutihin lang nila. Kung gusto nilang maabot ang pangarap nila, dapat matuto silang mag pursige,” pagtatapos niya.

Abangan si Ryzza sa “Barangay Jokes” tuwing pananghalian, mula Lunes hanggang Sabado sa Eat Bulaga.