Ni Martin A. Sadongdong
Binigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) ang pangako nitong paiigtingin ang paglilinis sa hanay nito, makaraang makumpirma na may mahigit 200 pa ring narco-cops sa pulisya.
Ayon sa ulat mula sa PNP-Internal Affairs Service (IAS) mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2017, 283 sa kabuuang 180,000 pulis sa bansa ang kumpirmadong gumagamit ng ilegal na droga.
Sa isang text message kahapon, inihayag ng tagapagsalita ng PNP na si Chief Supt. Dionardo Carlos na ito ang dahilan kaya nagpapatupad sila ng mga istriktong patakaran upang masubaybayan ang mga pulis, gaya ng biglaang drug testing.
Sa bilang na 283, karamihan ay mula sa mabababang ranggo: 119 ang Police Officer 1 (PO1), 68 ang PO2, at 57 ang PO3.
Dalawampu’t tatlong Senior Police Officer 1 rin nasa tala, 10 ang SPO2, at dalawa ang SPO3. Mayroon ding dalawang Inspector, isang Chief Inspector at isang Superintendent ang natukoy na narco-cops.
Walo namang non-uniformed personnel ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.
Ayon sa report, nanguna ang Metro Manila sa listahan ng pinakaraming pulis na adik, na mayroong 39. May 34 na narco-cops din sa Southern Tagalog, habang 28 naman sa Zamboanga Peninsula.
Inihayag ng PNP na 221 sa narco-cops ang nairekomenda nang patalsikin habang inaapura naman ang imbestigasyon laban sa iba pa.