Ni Fer Taboy
Sugatan ang 40 pasahero matapos na bumangga ang sinasakyan nilang fastcraft sa docking area sa Bacolod City, Negros Occidental, iniulat kahapon.
Ayon kay Lt. Col. Jimmy Oliver Vingno, hepe ng Philippine Coast Guard (PCG)-Bacolod, nagkaroon ng engine trouble ang Ocean Jet 7 habang naghahandang dumaong sa Bacolod Real Estate Development Corporation port bandang 6:10 ng gabi nitong Miyerkules.
Nahirapan umano sa pagmamaniobra sa throttle ang kapitan kaya nagdire-diretso sa pier ang fastcraft.
Nanggaling sa Iloilo City, lulan sa fastcraft ang 238 pasahero.
Sinabi pa ni Vingno na may kapabayaan ang kapitan ng fastcraft dahil hindi ito ipinagbigay-alam sa mga pasahero na may problema sa makina ng barko.
Maraming pasahero ang sumakit ang ulo at isinugod sa ospital matapos magtamo ng minor injuries.
Wala namang malubhang nasugatan sa nangyari, ayon kay Vingno.
Suspendido ngayon ang operasyon ng nasabing fastcraft, at mananatili ito hanggang hindi ito nabibigyan ng certificate of seaworthiness.