Ni Manny Villar

ANG Enero 23, 2019 ang ika-119 taon ng deklarasyon ng Unang Republika ng Pilipinas, na lalong kilala bilang Republika ng Malolos. Mahalagang bahagi ito ng kasaysayan dahil ipinakita ang determinasyon ng mga Pilipino na kaya nating pamahalaan ang ating sarili. Naging bahagi ito ng paglaban ng mga Pilipino para sa kalayaan, na pinasimulan ng rebolusyon na pinangunahan ni Andres Bonifacio at ng mga sinulat ni Jose Rizal.

Ang Unang Republika ng Pilipinas ang una ring iprinoklama sa buong Asya, isang mahalagang paalala sa ating papel bilang sagisag ng kalayaan at demokrasya sa rehiyon.

Ang deklarasyon sa Malolos ay bunga ng pakikipagtunggali ng mga Pilipino sa laban sa pang-aapi ng mga Kastila sa loob ng 300 daang taon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Noong 1898, nagtala na ng tagumpay ang mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa mga Kastila, at ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Pampanga at Bulacan at karatig na mga lugar ay napalaya na mula sa mga Kastila.

Pinayuhan ni Apolinario Mabini si Aguinaldo na mabilis na kumilos upang pormal na itatag ang soberanya at kalayaan ng Pilipinas. Ang proklamasyon ng kalayaan ay isinagawa sa Kawit, Cavite, kung saan unang iwinawagwag ang opisyal na watawat ng bansa.

Noong Hunyo 18, pinalabas ng pamahalaang rebolusyonaryo ang isang dikreto na nagtatatag sa Kongresong Rebolusyonaryo, na bubuo naman ng mga batas para sa bagong republika. Ang unang pagpupulong nito ay isinagawa noong Setyembre 15, 1898 sa simbahan ng Barasoain, kaya nakilala ito bilang Kongreso ng Malolos.

Hindi ko mapigilan ang makaramdam ng pagmamalaki habang binabasa ko ang kasaysayan ng makasaysayang Kongreso.

Dalawang taon lamang ang itinagal ng republika. Nangyari ito sa pagkakadakip kay Aguinaldo sa Isabela noong Marso 23, 1901.

Sa kabila nito, ang unang republika ay naging mabisang pangontra sa sinasabi ng mga Amerikano, na siyang pumalit na manananakop sa Pilipinas, na tayo ay primitibo at hindi kayang pamahalaan ang sarili. Kaya ang sumunod na digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano ay hindi pag-aaklas kundi pagpapatuloy ng pakikipaglaban ng malayang mga tao laban sa mga mananakop.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)