Ni FER TABOY

Isang aktibong Philippine Army corporal ang naaresto sa drug buy-bust operation ng pulisya sa loob ng isang hotel sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Sinabi kahapon ng Pagadian City Police Office (PCPO) na naaresto si Corporal Lehamber Baclay Acosta, 31, nakatalaga sa 1st Signal Battalion Army Signal Regiment ng Joint Task Force Basilan (JTFB) sa buy-bust sa Purok Chico Hills, Barangay Tuburan sa lungsod.

Ayon sa PCPO, isang tauhan nila ang nagsilbing poseur buyer para makabili ng P1,000 halaga ng shabu mula sa sundalo, at sa loob ng hotel isasagawa ang transaksiyon.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Nakumpiska umano mula kay Acosta ang isang plastic sachet na may hinihinalang shabu, dalawang aluminum foil, at dalawang P500 bill na marked money.

Sinabi pa ng pulisya na kaagad na isinailalim sa drug test ang sundalo at nagpositibo ito.

Nakapiit na ngayon sa himpilan ng PCPO ang suspek, na bukod sa kakasuhan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ay mahaharap din sa kasong administratibo at posibleng masibak sa serbisyo.