Celtics, napakurap ng Magic; Lakers at Nets, wagi.

BOSTON (AP) — Sinopresa nang naghahabol na Orlando Magic ang Eastern Conference leader Boston Celtics sa impresibong 103-95 panalo nitong Linggo (Lunes sa Manila).

nba copy

Pinangunahan ni Elfrid Payton ang kagulat-gulat na resulta sa naisalpak na 22 puntos para sa ikatlong panalo sa huling 20 laro ng Magic. Naisalba nila ang laban, sa kabila nang mala-higanteng laro ni Celtics star Kyrie Irving na tumabo ng 40 puntos.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“It feels good to get a win, especially after playing well,” pahayag ni Payton. “We felt we played well against the Cavs and didn’t come out with the victory. So to get the win today feels good.”

Natuldukan ng Orlando ang 14-game losing streak sa Boston. Tangan ng Magic ang 0-10 sa road match mula noong December, kabilang ang isang puntos na kabiguan sa Cleveland.

Galing sa pahinga si Irving bunsod ng pamamaga ng kaliwang balikat. Sa kabila ng impresibong laro, nabigo siyang sandigan ang Boston na nagtamo ng ikatlong sunod na kabiguan sa sariling tahanan.

“We haven’t played well consistently on both ends for a while now,” sambit ni Celtics coach Brad Stevens.”I felt like they were shooting layups for the most part tonight.”

Nag-ambag si Evan Fournier ng 19 puntos at kumana si Aaron Gordon ng 11 puntos at 12 rebounds para sa Magic.

Naghabol sa 59-58 sa halftime, naungusan ng Orlando ang Celtics 32-12 sa third period matapos ang matinding 60 percent shooting. Nalimitahan ng Magic ang Boston sa apat na field goals para makuha ang 90-71 bentahe sa kaagahan ng final period.

LAKERS 127, KNICKS 107

Sa Los Angeles, ginapi ng Lakers, sa pangunguna ni Jordan Clarkson na kumana ng 29 puntos at 10 assists, ang New York Knicks para sa ikaanim na plano sa walang laro.

Hataw din si Julius Randle na may 27 puntos at 12 rebounds, habang tumipa si Kyle Kuzma ng 15 puntos para sa Lakers (17-29). Maging ang rookie point guard na si Alex Caruso, pumalit sa na-injured na si Lonzo Ball ay nakatulong sa pamamayagpag ng Lakers sa naiskor na career high siyam na puntos at walong assists.

Kumubra sina Kristaps Porzingis, Tim Hardaway Jr. at Michael Beasley ng tig-17 puntos para sa Knicks, nabigo sa ika-12 sa huling 16 na laro.

NETS 101, PISTONS 100

Sa Detroit, panghihinayang ang nadama ng home crowd nang maisalpak ni Spencer Dinwiddie ang jumper may 0.9 segundo ang nalalabi para maitakas ng Brooklyn Nets ang makapigil-hiningang panalo kontra Pistons.

Nagbubunyi ang crowd nang makaabante ang Pistons sa isang puntos mula kay Andre Drummond may 4.7 segundo. Ngunit, mabilis na tinanggap ni Dinwiddie ang inbounds pass at kaagad na tumira sa layong 14 feet para sa winning margin.

Bago ang jumper ni Drummond, umabante ang Nets sa 99-98 mula sa split free throw ni Chris LeVert may 13.7 segundo sa laro.

Tumapos si Dinwiddie na may 22 puntos, habang nanguna si Tobias Harris sa Pistons na may 20 puntos.

PACERS 94, SPURS 86

Sa San Antonio, tinuldukan ng Indiana Pacers, sa pangunguna ni Victor Oladipo na kumana ng 19 puntos, ang 14-game home winning streak ng Spurs.

Nag-ambag si Darren Collison ng 15 puntos para sa Indiana.

Ito ang ikatlong kabiguan ng Spurs sa kanilang tahanan ngayong season at una mula noong Nov. 10 kontra Milwaukee.

Nanguna sa Spur si Pau Gasol sa naiskor na 14 puntos.