Ni Jun Fabon

Tuluyan nang inalis ng National Police Commission (Napolcom) ang height requirement para sa nais maging pulis.

Inihayag ni Napolcom Vice Chairman at Executive Officer Atty. Rogelio T. Casurao na epektibo mula sa police examination sa Abril 22, 2018 na Filipino citizen na may bachelor’s degree at hindi hihigit sa 30 anyos na lamang ang requirement sa mga aplikante.

Opisyal ding inilahad ni Casurao ang pagbubukas ng On-Line Examination Application Scheduling System (OLEASS) sa www.napolcom.gov.ph at www.napolcom-oleass.com, para sa PNP Entrance at Promotional Examinations sa buong bansa.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Ang online application para sa PNP Entrance exam ay gagawin sa Enero 29, 2018 hanggang sa Pebrero 2, 2018; sa Pebrero 5-9 para sa Police Officer (PO) exam; at Pebrero 12-16 naman para sa Senior Police Officer (SPO), Inspector (INSP) at Superintendent (SUPT) exams.

Kinakailangang makapag-apply ang mga aplikante ng kanilang online appointment sa loob lamang ng mga petsang nabanggit, upang makakuha ng slot sa nationwide entrance exam at promotional exam.

Ayon sa Napolcom, ang examination fee ay P400 para sa PNP entrance exam at Police Officer exam; P450 para sa Senior Police Officer exam; P500 para sa Police Inspector exam; at P600 sa Police Superintendent exam.