Ni GENALYN D. KABILING, at ulat ni Beth Camia
Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na makansela ang kontrata ng isang aviation ground service provider makaraang ilang empleyado nito ang masangkot sa pagnanakaw sa mga bagahe sa Clark International Airport sa Pampanga.
Sa pulong kamakailan sa pinakamatataas na airport at security officials, ipinag-utos ng Pangulo ang paghahanap ng bagong ground handling firm sa Clark airport, kasabay ng iginiit niyang mabigyang katarungan ang mga nabiktima ng pagnanakaw sa bagahe.
Una nang hinarap ng Presidente ang mga biktimang sina Jovinal dela Cruz at Rosemary Versoza at humingi siya ng paumanhin sa mga ito makaraang imbitahan sila sa Malacañang.
“I would demand that there will be justice instantly. Kung sino ‘yung provider, service provider d’yan, you terminate the contract and look for another one,” sinabi ni Duterte.
“And so for the other airports in the country, I do not want it repeated ever again,” dagdag pa niya.
Anim na empleyado ng MIASCOR Aviation Services ang sinibak at kinasuhan kaugnay ng pagkakasangkot sa umano’y pagnanakaw sa bagahe sa Clark airport.
Isang overseas Filipino worker (OFW), nag-post si Dela Cruz sa Facebook ng kanyang reklamo tungkol sa pagnanakaw umano sa kanyang mga bagahe. Nag-viral ang video hanggang sa makarating ito sa kaalaman ng Pangulo.
Ayon kay Clark International Airport Corp. acting President Alexander Cauguiran, sinampahan na nila ng kasong pagnanakaw ang anim na kawanim.
Binayaran din umano ng MIASCOR si Dela Cruz ng aabot sa P84,000 para sa mga nawalang gamit nito.
“Napupundi na ako lalo na [dahil] sa maliit na tao [ang naaapektuhan],” anang Pangulo.
“‘Yung MIASCOR na ‘yan, I don’t know who’s that, kung sino ‘yan. Sabihin mo sa kanila ‘yan,” aniya. “Do not beg for trouble with us because I am just trying to be true to my promise.”
Nagbabala rin ang Pangulo sa mga airport manager na unahin ang kapakanan ng mga pasahero, at sinabing sisibakin niya ang mga ito kapag nauli ang pagnanakaw sa bagahe.
“The next time, if it happens, I will fire you. Sigurado ‘yan. Basta may nangyari pa ulit na maski nakawan o ano, I will fire you,” aniya.
Matapos humingi ng paumanhin kina Dela Cruz at Versoza, inatasan ni Duterte ang mga airport official an mag-sorry din.
“I deeply apologize. We will pay whatever your losses,” ani Duterte. “I would also demand that the airport authorities should call the complainant and make amends, maybe in public to apologize for the sloppy job that we are doing.”