Ni Reggee Bonoan
INAMIN ni Direk Sigrid Andrea Bernardo sa grand presscon ng Mr. & Mrs. Cruz na kung siya ang masusunod, ayaw niyang pinakikialaman ang pelikula niya tulad sa Kita Kita na tumabo nang husto sa takilya.
Pero nagkaayos naman daw sila na ng producers ng Kita Kita kaya okay na.
“First time ko kasing magkaroon ng ibang producers, usually kasi ako ‘yung producer ng sarili kong film. Siyempre nanibago ako sa proseso, hindi ako sanay, at natuto ako na ganu’n pala ang proseso na kailangan ganu’n, pero hindi naman negative,” paliwanag ng direktora.
Hindi ba siya nagsisi na pinayagan niyang pakialaman ng Spring Films ang Kita Kita?
“Actually, they gave me director’s cut, so grateful ako ro’n, ‘yung ipinalabas naman sa sinehan, iyon ‘yun, may approval naman mula sa akin ‘yun,” sagot ni Direk Sigrid.
At dahil nagustuhan ng producers ng Kita Kita na sina Piolo Pascual, Joyce Bernal at Erickson Raymundo ang trabaho niya ay pinagagawa ulit siya ng pelikula sa Spring Films.
“Nagparamdam sila kaso wala pa akong maisip na materyal, so ‘yun ang problema ko,” aniya.
Inamin ni Direk Sigrid na mas nahirapan siyang gawin ang Mr. & Mrs. Cruz nina JC Santos at Ryza Cenon kumpara sa Kita Kita.
“’Yung sa Kita Kita kasi, first time kong mag-shoot sa ibang bansa, so ‘yun ‘yung naging problema ko. Dito sa Mr. & Mrs. Cruz, acting piece kasi ito, so kailangan kong i-workshop sina JC at Ryza together,” kuwento ng lady director.
Maraming ‘salitaan’ sa pelikula, hindi ba aantukin ang moviegoers?
“Sana hindi ka antukin. Bakit naman tayo nagtsitsikahan ng ilang oras pero hindi ka inaantok?” napangiting ganting tanong ni Direk Sigrid na sinagot namin ng, ‘Iba naman po kasi ‘yung kuwentuhan sa panonood lalo na kung malamig ang sinehan, may tendency na makatulog ka.’
Ang magandang scenery ba ng Palawan ang makakapag-save sa Mr. & Mrs. Cruz para panoorin ng tao na mahihilig sa beach?
“Feeling ko ang kuwento ang magdadala sa pelikula, kasi ‘yung lugar, nandidiyan na, backdraft lang ‘yun. It’s still the story, kung paano mag-i-evolve together ang characters,” paliwanag ng direktora.
Hindi niya itinanggi na pressured siya sa kikitain ng Mr. & Mrs. Cruz dahil nga ang susundang Kita Kita ay umabot sa P320M sa Pilipinas (bukod pa ang kinita sa international screenings).
“Yes, I have to admit na talagang pressured ako, pero ayokong isipin. Though maganda na may pressure pa rin para hindi ka dapat kampante lagi, pero hindi naman ‘yung getting into my nerve na isasaksak ko sa utak ko na kailangang kumita ito. Ang importante ay kumita pa rin kung okay siya. And this is my first mainstream movie, Mr. & Mrs. Cruz, and I’m happy sa sa Viva,” pahayag niya.
Tumaas na ba ang talent fee niya pagkatapos ng Kita Kita?
“Tama lang naman. Hindi naman laking grabe, pero tumaas nga,” natatawang sagot ni Direk Sigrid, kasi pati raw iyon ay inaalam namin.
Tulad ni Direk Jason Paul Laxamana, si Direk Sigrid rin ang sumusulat ng script kaya dalawa ang talent fee niya, bilang direktor at scriptwriter.
At siyempre tinanong namin kung may love life na siya, na importante sa pagsusulat ng kuwento.
“Hindi ko kailangan kasi busy ako, work muna habang maraming offers,” katwiran niya.
Nagkaroon siya ng karelasyon pero hiwalay na sila at wala siyang planong magpakasal halimbawang magkaroon ulit.
“It’s a personal choice, ayoko lang. Dati gusto ko. Actually, nagbago kasi naisip ko kapag nagpakasal, ang hirap maghiwalay.”
Bakit hiwalay agad ang naiisip niya, hindi pa nga niya nasusubukang ikasal.
Pumirma ng 4-year non-exclusive contract sa Viva Films si Direk Sigrid at gagawa siya ng 6 na pelikula kaya pagkatapos daw ng promo ng Mr. & Mrs. Cruz ay magsusulat na ulit siya para matapos niya ang kontrata.
Mapapanood na ang Mr. & Mrs. Cruz sa Enero 24 mula sa Viva Films at IdeaFirst Company.