anthony-davis copy

7-game winning streak ng Celtics, tinuldukan ng Pelicans.

BOSTON (AP) — Malaking numero ang ibinandera ng 7-footer forward na si Anthony Davis para tuldukan – pansamantala – ang pagsasaya ng Boston Celtics.

Ratsada si Davis sa naiskor na 45 puntos at 16 rebounds para sandigan ang New Orleans Pelicans sa 116-113 overtime win para putulin ang seven-game winning streak ng Celtics nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“It was a great win for us. They tested us,” sambit ni Davis, kinapos lamang para pantayan ang 48 puntos na naitumpok sa panalo laban sa New York Knicks nitong Linggo.

Nag-ambag si DeMarcus Cousins ng 19 puntos at 15 rebounds, habang kumana si Jrue Holiday ng 23 puntos para ipalasap sa Boston ang unang kabiguan sa bagong taon.

Nanguna sa Boston si Kyrie Irving na may 27 puntos, tampok ang 24 sa second half kung saan nagawang makabangon ng Celtics mula sa 12 puntos na paghahabol sa regulation.

“For some reason tonight, the whole game we were a little careless. It just carried over there at the end,” sambit ni Al Horford, kumana ng 14 puntos at siyam na rebounds para sa Boston.

Nagsalansan sina Marcus Smart at Jaylen Brown ng tig-16 puntos sa Celtics na nagtatangkang makasikwat ng 50 3-pointers ngayong season.

NUGGETS 105, MAVS 102

Sa Denver, humugot si Nikola Jokic ng 29 puntos at season-high 18 rebounds para pangunahan ang Denver Nuggets sa dominanteng panalo sa Mavericks.

Umabante ang Nuggets sa pinakamalaking bentahe na 23 puntos at matika sna nanindigan sa paghahabol ng Mavs para makopo ang ikalawang panalo sa huling anim na laro.

Tumapos si Gary Harris na may 25 puntos, habang umiskor si Will Barton ng 22 puntos para sa Nuggets.

Nahila ng Nuggets ang bentahe sa 82-59 may 4:04 sa third period, bago gumawa ng comeback ang Mavs.

Nanguna si Dennis Smith sa Mavs na may 25 puntos, habang tumipa si Harrison Barnes ng 17 puntos.

MAGIC 108, WOLVES 102

Sa Orlando, Florida, naitala ni Evan Fournier ang season-high 32 puntos para gabayan ang Magic sa malaling panalo kontra Minnesota Timberwolves at tuldukan ang seven-game losing skid.

Nag-ambag si D.J. Augustin ng 11 puntos at tatlong assists.

Nanguna si Jimmy Butler na may 28 puntos at pitong rebounds para sa Timberwolves (29-17).

DEROZAN, PINAGMULTA

Samantala, pinagmulta ng NBA si Toronto Raptors guard DeMar DeRozan ng US$15,000 (P750,000) bunsod nang pagtuligsa sa publiko sa officiating ng referee.

Ipinahayag ni Kiki VanDeWeghe, league’s executive vice president for basketball operations, ang desisyon matapos magpahayag ng disgusto si DeRozan laban sa mga referee nang matalo ang Raptors sa Golden State Warriors, 127-125 nitong Sabado.

“It’s frustrating being out there feeling like you’re playing 5-on-8. Some of those calls were terrible, period,” pahayag umano ni DeRozan.