Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Inihayag ng transport group na Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na magsasagawa ito sa susunod na linggo ng una nitong nationwide protest action ngayong taon upang patuloy na kondenahin ang public utility vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno, na sinimulan na ngayong buwan.

Sinabi kahapon ni George San Mateo, pinuno ng PISTON, na magsasagawa sila ng sabayang kilos-protesta sa harap ng mga tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa buong bansa sa Enero 24, Miyerkules.

“Mariin naming kinokondena ang ginagawang arbitrary, hindi makatarungan na mga operasyon na isinasagawa ng gobyernong Duterte sa pamamagitan ng DOTr (Department of Transportation) at Inter-Agency Council (I-ACT) na ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’,” sabi ni San Mateo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nasa 255 luma at kakarag-karag na jeepney ang hinarang sa dry-run ng kampanyang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” ng I-ACT at Land Tranportation Office (LTO) nitong Enero 8.

Ang nasabing kampanya ay paunang hakbangin ng LTO sa motor vehicle inspection system nito upang masuri ang “roadworthiness” ng mga PUV bilang suporta sa modernization program ng pamahalaan.

Ayon kay San Mateo, napeperhuwisyo ang mga pasahero sa pagharang sa mga namamasadang jeep.

“They can check it sa terminals, pero gusto nilang roadside operation kasi nga may multa,” sabi ni San Mateo.

Dahil dito, sinabi ni San Mateo na isasagawa nila ang protesta sa mga kalsada kung saan hinaharang ng LTO ang mga lumang jeep.

Nilinaw naman ni San Mateo na ang protesta sa Enero 24 ay hindi transport strike kundi isang “nationally coordinated protest action”, bagamat maglulunsad din ang PISTON ng nationwide transport strike laban pa rin sa PUV modernization program. ”Naghahanda ang PISTON para sa isang massive strike. Ang panawagan namin sa lahat ng driver at operator ay unity sa lahat ng transport groups na magpahayag ng pagtutol sa [jeepney] phaseout,” ani San Mateo.

Kasabay nito, naglunsad ang PISTON ng “phaseout watch” hotline (0908-1247372) para sa mga driver at operator ng PUV na naaapektuhan ng nasabing kampanya ng pamahalaan.

Kaugnay nito, nagbabala ang LTFRB sa mga PUV operator at driver na isuko na lang ang kani-kanilang prangkisa kung nais silang sumali sa protesta laban sa modernization program.

“We are just doing our job in LTFRB. We will be issuing show cause order for those PUV operators and drivers that are not following the law. They need to follow the law, otherwise, just give up their franchises,” sinabi kahapon ni LTFRB member at spokesperson Atty. Aileen Lizada sa PISTON.

“Baka nakalimutan ni Sir George [San Mateo] ‘yung one of the terms and conditions ng MC 2011-004, hindi po puwedeng gamitin ang prangkisa, hindi po puwedeng magprotesta, object or cease operations as a sign of protest against any government decision,” paliwanag pa ni Lizada.

“Open kami sa dialogue regarding modernization program na kanilang ino-object. Matagal na kaming open at parati namin ‘yang sinasabi. Sana naman gawin na ni George ‘yung tama at kausapin na nila kami. Huwag na nilang idaan sa ganitong mga rally. Namemerwisyo lang sila ng mga tao,” dagdag pa ni Lizada.