Ni Celo Lagmay
SA kabila ng kaliwa’t kanang pagtalakay sa pederalismo -- ang anyo ng gobyerno na isinusulong ng Duterte administration upang ipalit sa kasalukuyang presidential system -- malabnaw pa ang aking pag-unawa sa naturang masalimuot na isyu. Hindi ko maapuhap ang tunay na motibo at lalong hindi ko malasahan ang ipinangangalandakang mga biyaya na matatamo ng sambayanang Pilipino sa pagpapalit ng anyo ng pamahalaan.
Dahilan marahil ito sa katotohanan na hindi mapaknit sa aking utak ang presidential system -- ang anyo ng pamahalaan na naging bahagi na ng kulturang pampulitika na halos sampung dekada nang umiiral sa ating bansa. Hindi gayon kadali na kabud na lamang babaguhin ang isang nakagawiang sistema na naging bahagi na rin ng ating pamumuhay.
Nang unang umusad ang isyu hinggil sa pederalismo, biglan sumagi sa aking isip ang nakakikilabot na impresyon:
Paghihiwalayin ang ating Republika sa pamamagitan ng pagtatatag ng federal region na may kanya-kanyang pinuno o autonomous government. Hindi kaya ito maging dahilan din ng pagkakawatak-watak ng ating mga kababayan?
Ang ganitong malabnaw na pag-unawa sa naturang isyu ang dahilan kung bakit sa pamamagitan ng ating maliit na tinig ay lagi tayong nananawagan sa mga kinauukulan na paigtingin ang information campaign hinggil sa pederalismo. Ang puspusang pagpapaliwanag nito ay marapat maging kaakibat ng mga paglilinaw sa katakut-takot na masasalimuot na isyu tungkol naman sa binabalak na pagsusog sa ating Konstitusyon.
Sa pagpapalawak ng info drive, dapat tiyakin na dumaloy ang mga pagpapaliwanag sa iba’t ibang sektor, lalo na sa mga local government units (LGUs) na pinamumunuan ng mga gobernador, mayor at hanggang sa liderato ng mga barangay.
Si dating Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali, halimbawa, sa pahayag ni Provincial Administrator Atty. Al Abesamis, ay minsan na ring nagsulong ng info drive tungkol sa pederalismo. Pakay nito na arukin ang damdamin ng aming mga kalalawigan tungkol sa pagbabago ng anyo ng ating pamahalaan. Maaaring ang ganitong pagsisikap ay pausarin din ng kasalukuyan naming gobernador -- si Gov. Czarina Umali.
Marapat lamang ang ganitong aksiyon; karapatan ng aking mga kapwa Novo Ecijano at ng lahat ng mamamayan na magkaroon ng batayan sa pagsusuri ng isang makabuluhang isyu na nangangailangan ng matalino at maingat na pagpapasiya ng sambayanan.
Sa pagpapaigting ng information drive, natitiyak ko na ang malabnaw na pag-unawa, tulad ng nagpapalito sa aking isipan, ay mapapawi tungo sa malinaw na pagpapasiya -- kung nararapat sumilang ang pederalismo at masusugan ang ating Konstitusyon.