ni Bert de Guzman
SALUNGAT ang nagpasikat sa pariralang “Ang mga nasa laylayan ng lipunan”--- ang magandang biyuda ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo, si Vice Pres. Leni Robredo, sa ikinakasang NO-EL o “No Election” ng mga kaalyado at supporter ni Pres. Rodrigo Roa Duterte.
Ayaw ni beautiful Leni na magkaroon ng term extension ang halal na mga opisyal noong 2016, kabilang na siya at si PRRD. Batay sa pinalulutang ng mga kaalyado ni Mano Digong kaugnay ng pagpapalit ng sistema ng gobyerno sa ating bansa (pederalismo), palalawigin ang termino ng mga senador, kongresista, governor, vice governor, mayor, vice mayor at barangay chairman sa 2019.
Ang pagpapalawig ay tiyak na mangyayari sapagkat magkakaroon ng 3-year transition period kapag inamyendahan ang Konstitusyon upang pagtibayin ang federal system of government mula sa pagiging presidensiyal.
Badya ni VP Leni: “Sa isyu ng term extension, dapat tayong lahat na umuukopa ng mga posisyon ngayon ay hindi dapat na makinabang dito, at kung hindi, laging may duda sa intensiyon kung bakit natin isinusulong ito (pederalismo)”.
‘Di ba malaking bilang ng mga “nasa laylayan ng lipunan” ang bumoto kay PRRD noong 2016 sa paniniwalang tutulungan silang makaahon sa abang kalagayan? Subalit kapag walang halalan sa 2019 midterm elections, para na rin silang pinagkaitan ng karapatan na pumili ng mga pinuno na nais nilang maluklok at itapon naman ang mga senador, kongresista at local officials, na nangakong magsisilbi sa bayan ngunit nagiging AMO pala nila kapag naihalal na.
Para kay Communications Sec. Martin Andanar, sa limang pangako ni PDU30 noong 2016, apat dito ang natupad maliban sa isa. Ito ay ang pederalismo na ikinakasa pa ng Duterte administration na inaasahang matatapos bago siya bumaba sa puwesto sa 2022.
Ayon kay Andanar, ang apat na natupad na pangako ni Pres. Rody ay pababain ang kahirapan sa bansa, putulin ang kurapsiyon, labanan at sugpuin ang krimen at illegal drugs, at isulong ang katahimikan at kaayusan (peace and order).
Sinabi niya na kapag naging pederalismo na ang sistema ng gobyerno sa bansa, bababa sa puwesto si PRRD tulad ng kanyang pahayag noon. Gayunman, marami ang nagdududa kung talagang bababa sa trono ang Pangulo sapagkat marami na raw siyang salita na hindi naman tinutupad, ayon sa oposisyon.
Nagtatanong ang taumbayan: “Talaga bang kailangan ang pederalismo? ‘Di ba kahit anong uri ng gobyerno sa ‘Pinas, kapag kurakot, bugok, mandarambong at babaero ang mga lider ng bansa, walang mangyayari kahit taun-taon ay palitan ang sistema ng pamahalaan.”