PORTLAND, Ore.(AP) — Naisalpak ni CJ McCollum ang floater may 5.9 segundo ang nalalabi para sandigan ang Portland Trail Blazers sa pahirapang 111-110 panalo kontra San Antonio Spurs nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Tumapos si McCollum na may 25 puntos, habang kumana si Maurice Harkless ng 19 puntos mula sa bench para sa Blazers, sumabak na wala si starting guard Damian Lillard. Nakopo ng Portland ang ikalimang panalo sa huling pitong laro at ikatlong sunod sa kanilang tahanan.
Kumubra si dating Blazer LaMarcus Aldridge sa naiskor na 30 puntos at 14 rebounds, habang kumana si Manu Ginobili ng 26 puntos, tampok ang tatlong 3-pointer para sa Spurs.
Naghabol nang 12 puntos sa third quarter, nakabangon ang Portland at naagaw ang bentahe sa 101-94 mula sa three-pointer ni Harkless may 5:37 sa laro. Ngunit, muling sumirit ang Spurs at naibalik ang tangan sa kalamangan, 108-105 matapos ang magkasunod na three-pointer ni Ginobili tungo sa huling dalawang minuto.
Nagpalitan ng buslo ang magkabilang panig, kabilang dalawang free thorw ni Kyle Anderson para sa isang puntos na bentahe ng Spurs. Sa huling opensa ng Blazers, nakalusot si McCollum para sa winning basket.
Sumabak ang Spurs na wala si star forward Kawhi Leonard bunsod nang injury sa kaliwang balikat. Na-sideline din sina Rudy Gay (right heel) at Danny Green (groin tightness).
KNICKS 100, MAVS 96
Sa Dallas, naisalpak ni Jarret Jack ang jumper para basagin ang huling pagtabla may 31.2 segundo tungo sa makapigil-hiningang panalo ng New York Knicks kontra Dallas Mavericks.
Hataw si Kristaps Porzingis sa naiskor na 29 puntos sa Knicks, habang kumana sina Kyle O’Quinn ng 15 puntos at 11 rebounds, at nag-ambag si Enes Kanter ng 13 puntos at 18 boards para tuldukan ang three-game losing skid ng Knicks at hilahin ang kabiguan ng Mavericks sa ikatlong sunod.
Nanguna si Harrison Barnes sa Dallas na may 25 puntos, habang Kumana si Devin Harris ng 11 puntos sa gabi ng parangal para sa dati nilang point guard na si Derek Harper na kanilang iniretiro ang jersey.
Umiskor si Harris ng 3-pointer para tuldukan ang 15-2 run sa loob ng 2:20 minuto para maitabla ang iskor sa 92-all.
Nagpalita ng buslo sina Porzingis at Barnes, bago nakadale si Jack sa floater.
Nagmintis si J.J. Barea sa three-pointer , habang bumuslo si Courtney Lee ng apat na free throws sa huling 16.6 segundo para selyuhan ang panalo.
SUNS 114, THUNDER 100
Sa Phoenix, ginapi ng Suns, sa pangunguna nina Dragan Bender na may career-high 20 puntos at rookie Josh Jackson na may unang career double-double -- 17 puntos at 10 rebounds – ang Oklahoma City Thunder.
Naitala rin ni Bender ang career-best na anim na 3-pointers, tampok ang 5 of 6 sa second half. Nagapi ng Suns ang Thunder sa ikatlong sunod na pagkakataon kabilang ang nakalipas na season at pawang lahat at sa home game.
Nailista ni Russell Westbrook ang ika-14 na triple-double ngayong season sa natipang 26 puntos, 11 assists at 10 rebounds, habang tumipa si Paul George ng 19 puntos at kumana si Steven Adams ng 18 punto para sa Thunder.
Nanguna si Devin Booker sa Suns na may 26 puntos at kumubra si T.J. Warren ng 23 puntos.
HEAT 103, JAZZ 102
Sa Miami, naisalpak ni Josh Richardson ang layup sa huling 5.1 segundo para maungusan ng Heat ang Utah Jazz.
Nahila ng Miami ang winning streak sa apat -- pawang pagwawagi sa single digit na bentahe – pinakamahabang streak ng Heat mula noong November 2012.
“Utah played a very good basketball game,” pahayag ni Miami coach Eric Spoelstra. “In many ways, they deserved to win this one. But we’ve got to make up some ground. We’ve given up some games that we wish we could have had back, so quite frankly we need to steal some.”
Nagsalansan sina Tyler Johnson at Goran Dragic ng tig-16 puntos, habang kumana sina Richardson at Hassan Whiteside ng tig-14 puntos at tumipa sina James Johnson ng 13 puntos at Kelly Olynyk na may 12 puntos.