Ni LITO MAÑAGO
ABS-CBN ang network na pinakarami ang nanood na network sa parehong urban at rural homes sa buong bansa noong 2017 sa nakamit na national audience share na 46% na 12 puntos ang lamang sa 34% ng GMA, ayon sa survey data ng Kantar Media.
Namayagpag ang ABS-CBN sa mas maraming tahanan sa bawat bahagi ng bansa simula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon, partikular na sa Metro Manila na 40% ang nakuhang average audience share laban sa 29% ng GMA. Tinutukan din ang mga palabas ng Kapamilya Network sa Total Balance Luzon na ang average audience share ay 48%, kumpara sa 36% ng GMA, sa Total Visayas na nakapagrehistro ng 53% na tinalo ang 28% ng GMA, at sa Total Mindanao na nakakuha naman ng 53% laban sa 31% ng GMA.
Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga manonood ng telebisyon sa buong bansa sa paggamit ng nationwide panel size na 2,610 na urban at rural homes.
Patuloy na nanguna sa national TV ratings ang ABS-CBN noong Disyembre sa nakamit na average audience share na 45%, kumpara sa GMA na mayroon lamang 34%.
Sa mahigit dalawang taong pag-ere sa telebisyon, hindi pa rin natitinag ang FPJ’s Ang Probinsyano na malugod pa ring sa naitalang average national TV rating na 38.6%.
Sinundan ito ng reality-talent show na Your Face Sounds Familiar Kids na nagkamit ng average national TV rating na 35.7%.
Nakiisa rin ang sambayanan sa katuparan ng mga kabataang boses ang puhunan sa kauna-unahang edisyon sa Asya ng The Voice Teens na nakakuha naman ng 34.4%.
Inabangan ang pagbabalik-telebisyon ng tambalan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa La Luna Sangre (33.8%) na kinasabikan din dahil sa muling pagsasama nina Angel Locsin at Richard Gutierrez.
Nananatili namang numero unong newscast sa bansa ang TV Patrol (31.3%) na nagdiwang ng ika-30 anibersaryo.
Hinangaan din ng mga manonood ang kakaibang galing at talino ng mga bata sa Little Big Shots (31.1%).
Patok din ang mahika at aral na hatid ng Wansapanataym (29.8%) tuwing Linggo ng gabi. Nagbigay naman ng inspirasyon ang Maalaala Mo Kaya (29.6%) sa ika-25 na taon nito sa telebisyon at patuloy na inaantig ang mga manonood sa totoong kuwento ng letter senders.
Tinutukan din ang kuwento ng kabutihan at pagmamahal sa My Dear Heart (27.6%) at ang kwento ng wagas na pag-ibig sa Magpahanggang Wakas (25%).
Pasok din sa top 20 ang Home Sweetie Home (24.2%), Wildflower (23.8%), Goin’ Bulilit (22.1%), Kapamilya Weekend Specials (Sunday) (19.6%), Rated K (19.2%), at It’s Showtime (18.6%).
Samantala, ABS-CBN din ang nanguna sa bawat time blocks sa buong araw mula Enero hanggang Disyembre 2017, partikular na sa primetime sa pagtala nito ng average audience share na 50%, o kalahati sa mga Pilipinong manonoood sa bansa at 18 na puntos na lamang sa GMA na may 32%.
Tinutukan din ang ABS-CBN sa morning block (6AM-12NN) sa naitalang 39% kumpara sa 32% ng GMA; sa noontime block (12NN-3PM) -- 45% laban sa 36% ng GMA; at sa afternoon block (3PM-6PM) -- 43% na tinalo ang 38% ng GMA.