Ni BELLA GAMOTEA

Arestado ang isa sa apat na holdaper na umatake kamakailan sa isang gotohan sa Parañaque City nitong Sabado.

Ayon kay Senior Supt. Leon Victor Rosete, hepe ng Parañaque Police, tinutugis na ang tatlong hindi pa pinangalanang kasamahan sa panghoholdap ng naarestong suspek na si Jesrell Arador, 31, alyas Budoy, ng Hontiveros Compound, San Antonio ng nasabing lungsod.

Aniya, nadakip si Arador sa tulong ng mga tipster at natunton ang suspek na nakatambay malapit sa kanyang bahay.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nasugatan pa sa braso at tadyang ang suspek sa pagtatangkang tumakbo at tumalon mula sa ikalawang palapag ng isang bahay.

Nabatid na nasa stable nang kondisyon si Arador.

Mariin namang itinanggi ni Arador na isa siya sa apat na nangholdap sa GOTO Bar fastfood chain sa kahabaan ng Dasa Street, Barangay San Isidro, Parañaque City, nitong Enero 5.

Tinutukan ng baril ang manager ng gotohan na si Marilyn Vizarra, 28, ng No. 8242 Ramos Compound, na noon ay nasa counter at sapilitang kinuha ang P15,000 cash na kita ng kainan; isang Samsung cell phone, na nagkakahalaga ng P4,000; at Samsung tablet, P7,000.

Inakala namang manlalaban ang customer na si Aniceto Manalo, Jr., 32, ng Lumbos Avenue, Bgy. San Isidro, kaya siya binaril sa tadyang ng isa sa mga suspek at sapilitang kinuha ang kanyang Lenovo cell phone at wallet na naglalaman ng P6,500 cash.

Matatandaang dalawang araw ang ipinagkaloob ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Oscar Albayalde kay Sr. Supt. Rosete upang resolbahin ang nasabing insidente.

Babala ni Albayalde, kapag hindi nalutas ng hepe ang insidente sa loob ng 48 oras ay maaari itong patawan ng mabigat na parusa o posibleng pagkakasibak sa puwesto.