Ni Kier Edison C. Belleza
CEBU CITY – Aabutin ng dalawa hanggang tatlong araw bago tuluyang maapula ng mga bombero ang sunog na sumiklab sa Metro Gaisano Ayala Cebu nitong Biyernes ng gabi.
Sa pahayag ng Metro Retail Stores Group, Inc. (MRSGI), bandang 9:30 ng gabi nitong Biyernes nang mamataan ang paglabas ng makapal na usok mula sa ikatlong palapag ng gusali, partikular mula sa stock room para sa mga laruan.
Sa huling datos bandang 1:30 ng hapon kahapon, 16 na oras nang nasusunog ang gusali, na umabot na sa Task Force Bravo, o ikapitong alarma bandang 8:45 ng umaga kahapon.
Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP)-Central Visayas Assistant Regional Director for Operations Supt. Rolando Orbeta, hirap ang mga bombero na mapasok ang lugar dahil saradong-sarado ang gusali, at idinagdag na limitado lamang ang kanilang breathing apparatus.
“There is zero visibility inside and it’s really hot. What we did was to hammer portions of the façade of the building to let the smoke and heat out because once it is ventilated, from there we can penetrate,” sabi ni Orbeta, at sinabing wala namang problema sa supply ng tubig.
Kinumpirma rin ni Orbeta na walang na-trap sa gusali at ligtas na nailikas ang lahat ng kustomer at empleyado sa mall, ayon sa pamunuan ng establisimyento.
“What we can assure our people is that we are doing our very best to put out the fire, we are trying our best to stop it in 24 hours,” sabi ni Orbeta.
Gayunman, sinabi ni Orbeta na “contained” na ang pagliliyab sa gusali, na nangangahulugang napapalibutan na ang mall ng mga fire line o control line upang hindi na kumalat pa ang apoy sa iba pang bahagi ng establisimyento.
Hindi pa batid ang sanhi ng sunog habang isinusulat ang balitang ito.
“We still have to conduct an investigation. We need to invite personnel from the mall, we need to get statements first,” sinabi kahapon ni Orbeta.
Kasabay nito, sinabi ni Cebu City Police Office Director Senior Supt Joel Doria na kaagad na nagpakalat ng mga pulis sa paligid ng mall upang mapigilan ang nakawan at magmantine na rin ng trapiko.
Samantala, sinabi ni Vincent Tomaneng, corporate secretary at chief legal counsel ng MRSGI, na hindi nila pababayaan ang mga empleyado ng mall na apektado ng sunog “and will make the necessary arrangements in due time.”