Ni Bella Gamotea

Aabot sa 3,000 illegal sidewalk vendor ang nawalis o natanggal ng clearing at cleaning operations ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasay City at Parañaque City kahapon.

Sinabi ni Francis Martirez, hepe ng sidewalk clearing operations ng MMDA, na dakong 5:00 ng umaga nang sinimulan nila ang operasyon kontra sa illegal sidewalk vendors sa Taft-Rotonda sa Pasay at sa Redemptorist-Baclaran sa Parañaque.

Alinsunod ito sa kasunduan ng MMDA at ng mga pamahalaang lungsod ng Pasay at Parañaque, na pinayagan lang magtinda ang mga vendor noong Disyembre 10, 2017 hanggang kahapon, Enero 6, “for humanitarian reason” at mabigyan ng pagkakataong kumita nitong Pasko.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kaagad na ikinasa ang clearing operation ng MMDA dahil tapos na ang ibinigay na panahon sa mga apektadong vendor.

Karamihan sa mga vendor ang nagkusang gibain ang kani-kanilang stalls sa kasagsagan ng operasyon, kaya hindi na nahirapan pa ang MMDA.

Tumulong ang ahensiya sa paghahakot ng mga paninda para mabilis na malinis sa nabanggit na lugar.

Tiniyak ni Martirez na magsasagawa sila ng operasyon kada araw upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa mga bangketa laban sa illegal vendors.