Ni Johnny Dayang
TUWING sasapit ang Bagong Taon, naging tradisyon na natin ang gumawa ng resolutions o pangako sa sarili tungo sa mahalagang mga pababago bilang inspirasyon para itama ang mga nagawa nating mali at pagkukulang. Layunin ng mga resolution ang pagandahin ang ating buhay at hinaharap.
Panahon din ng pag-asa ang Bagong Taon. Layunin nito na lalong patibayin ang ating pagnanais na tutukan ang mga pangangailangan ng ating pamilya at mga mahal sa buhay, lalo na sa taong giniba ng mga trahedya at kalamidad sa nakaraang taon.
Ngayong 2018, mananatiling nasa ilalim ng batas militar ang Mindanao sapagkat pinalawig ito ng isang taon pa. Dahil sa mga tagumpay at kapaki-pakinabang na kaganapan sa ilalim ng batas militar sa nakaraang taon kaugnay ng pakikipaglaban sa terorismo sa Katimugan, nagtitiwala ang mga taga-Mindanao sa mga tagapagpatupad nito, sa halip na matakot. Umaasa silang gayon din sana ang maging pananaw ng iba pa nating mga kababayan.
Sa Kongreso, kabilang ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL) sa mga hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan at tunay na makabuluhang pag-unlad. Gayunman, ang pagsasabatas ng BBL ay kinakailangang dumaan sa masusing pag-aaral ng Kongreso. Kailangang ding maresolba ang mga masalimuot na isyu kaugnay ng ninanais ng Bangsamoro Transition Committee na ilagay sa panukalang batas, upang matiyak na naaayon ang mga ito sa ating Saligang Batas.
Kasama rin sa pag-asa sa 2018 ang pagdaraos ng ipinagpalibang halalang pang-Barangay at Kabataan upang maresolba ang isyu ng pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng Barangay at Kabataan.
Dapat maging malinis ang gagawing eleksiyon. Hindi ito dapat kasangkapanin upang mapanatili lamang sa puwesto ang mga walang kakayanan at abusadong mga opisyal ng barangay. Kailangang maging tunay na mapanuri ang mga taumbayan at alisin sa puwesto ang mga hindi karapat-dapat na opisyal ng kanilang barangay para sa kaayusan ng kanilang mga komunidad.
Kabilang din sa mga kinakailangang resolbahin ngayong taon ang mga isyu sa extrajudicial killings, police brutality, smuggling sa Customs, katiwalian, paniniil sa lehislatura, karapatang pantao, at mga oportunidad sa trabaho para sa lahat.
Hindi madali ang paglutas sa mga suliraning nabanggit dahil sa mga balakid na kaakibat ng matinong pamamahala.
Gayunman, ang aktibong partisipasyon ng taumbayan sa pagresolba sa mga isyung ito ay makakaimpluwensiya nang malaki sa paraan, direksiyon at prayoridad ng pamahalaan.
Umasa tayong tutulungan tayo ng gobyerno upang matupad ang ating mga inaasam at mga pangarap. Suportahan natin ang ating mga namumuno at tibayan ang sigasig sa ating puso at isipan.