TATAMPUKAN nina Southeast Asian Games gold medalists Mark John Lexer Galedo at Marella Vania Salamat ang men’s at women’s elite group na sisibat sa Pru Life UK’s PRUride PH 2018 na magsisimula sa Enero 11 sa Subic at Bataan at sa Enero 21 sa McKinley West sa Taguig City.

Libre ang pagpapatala sa online registration sa http://PRUride.PH! — ang opisyal na website ng programa.

Nakataya ang kabuuang P1 milyon na papremyo para sa magwawagi sa men’s at women’s elite, men and women under-23 at men and women junior class para sa mga siklista na Union Cycliste Internationale (UCI) license holders.

Bukod sa karangalang maisuot ang national champion jersey na ipagkakaloob ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling), naghihintay rin sa mga magwawagi ang karapatan na maipadala para katawanin ang bansa sa Prudential RideLondon 2018 sa Hulyo.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Sagot ng organizers ang lahat ng gastusin ng Philippine delegation.

Tatanggap ng P50,000 ang magwawagi sa men and women elite categories para sa PRUride Professional Road Race at PRUride Criterium, habang P20,000 sa mananalo sa men under-23.

Ang premyo sa men elite races ay hinila hanggang 20th place kung saan ang second at third placers ay tatanggap ng P25,000 at P15,000, ayon sa pagkakasunod.

Ang 136-kilometer road race para sa men at 120-km para sa women elite at men’s juniors ay ilalarga sa Enero 12 na magsisimula ang matatapos sa Subic Bay Exposition and Convention Center (SBECC).

Mapaghamon ang ruta na kapapalooban ng akyatin sa bulubunduking bahagi ng Mount Samat at mga burol sa Morong, Bataan.

Sisikad naman ang individual time trial (ITT) para sa lahat ng kategorya sa Enero 13 sa distansiyang 30-km (para sa professional) at 15-km (amateur).

Isasagawa rin sa Subic sa Enero 14 ang PRUride PH 2018 para sa 100- at 50-kilometer Gran Fondo events.

May pagkakataon din ang mga riders na mamili nang lalahukan sa 14 race subcategories para maipamalas ang kahusayan sa criterium race na nakatakda naman sa Enero 21 sa McKinley West.