Ni Rommel Tabbad at Mina Navarro

Inaasahang lalabas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong ‘Agaton’ sa loob ng 24 oras.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy pa ring lumalakas ang bagyo sa kabila ng paglayo nito sa bansa.

Huling namataan ang Agaton sa layong 390 kilometro Kanluran ng Puerto Princesa City sa Palawan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Taglay nito ang hanging may lakas na 65 kilometers per hour (kph) at bugsong 80 kph.

Ayon pa sa PAGASA, kumikilos ang bagyo pa-Kanluran sa bilis na 25 kph.

Tinanggal na rin ng PAGASA ang lahat ng storm warning signal kasabay ng paglilinaw na makararanas pa rin ng malakas na pag-ulan ang Bicol region at ang Rizal, Aurora at Quezon bunsod ng tail-end ng cold front.

Samantala, iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na aabot sa P242.69 milyong halaga ang napinsala sa pagbayo ng bagyong Vinta sa Zamboanga Peninsula (Region 9); Northern Mindanao (Region 10); at Davao Region (Region 11).

Sa ulat ng DPWH, kasama sa mga napinsala ay ang spillway type water dam sa Barangay Good Year sa Kabasalan, Zamboanga Sibuhay.

Winasak din ng Vinta ang Pagayawan-Dimarao Bridge at Esperanza-Babalaya Hanging Bridge sa Bacolod, Lanao del Norte.

Gayundin, ang tulay na nag-uugnay sa Mahayag at Dumigag, Zamboanga del Sur, pati na ang Salug Daku Bridge sa Bgy. Poblacion sa Mahayag, Zamboanga del Sur.