ni Manny Villar
(Pangalawa sa dalawang bahagi)
MALIGAYANG 2018 sa lahat ng mambabasa. Naging maganda ang nakaraang taon, at inaasahang lalong magiging maganda ang 2018.
Nakumpirma ito sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan lumabas na 47 porsiyento ng mga tumugon sa survey ay naniniwalang gaganda ang sariling buhay nila sa susunod na 12 buwan. Ito ay itinuturing na “excellent” ng SWS. “Excellent” din ang antas na 43% ng mga naniniwala na bubuti pa ang ekonomiya sa 2018.
Ang patuloy na pagsulong ng ekonomiya ay nangangahulugan ng lalo pang maraming trabaho para sa ating mga mamamayan at magpapataas sa kinikita ng mga sambahayan. Ayon sa World Bank, sa pagitan ng 2012 at 2015 ay tumaas ng 7.6% bawat taon ang kinita ng mga nasa ibabang 40% ng pamamahagi ng kinikita.
May mas mabuting paraan ng pagsukat sa pangako ng 2018 para sa mga negosyanteng Pilipino. Napakaraming negosyo – maliit man o malaki – ang sumusulpot sa mga mall, at sa iba’t ibang panig ng mga bayan.
Mabuti ito dahil maraming tao ang nagiging negosyante, at marami ring tao ang nabibigyan ng hanapbuhay. Mas maraming salapi ang naiuuwi sa bahay para gastusin sa pagkain, upa, matrikula at iba pang pangangailangan.
Ako mismo ay nakumpirma ito. Ang aming negosyo ay lalong lumalaki at napakalaki ng kinikita. Para sa aming negosyo, ito na ang pinakamaganda sa nakalipas na 15 taon.
Alam ng lahat na ang pangunahing negosyo ng Vista Land ay pabahay, ngunit namamangha ako sa bagong negosyo namin sa pagtitingi. Maganda ang pagganap ng aming AllHome, na may 17 sangay at ang AllDay convenience store na may halos 100 tindahan.
Ang aming Coffee Project ay may 21 sangay na ngayon at kabubukas lamang ng pinakahuling sangay sa Taft Avenue, malapit sa De La Salle University. Isa pang sangay ang malapit nang buksan sa BGC.
Nagtayo rin kami ng Bake My Day, na magsisilbi ng tinapay at pastries sa istilong Europeo. Mabibili rito ang Okonomiyaki bread, isang uri ng Japanese savory pastry na may iba’t ibang sangkap.
Pinasok na rin namin ang hospitality industry sa pamamagitan ng aming unang Hotel Mella na bubuksan sa Las Piñas sa Mayo 2018 at susundan ng iba pa sa Boracay, Tagaytay, Balanga (Bataan) at Cebu. Ito ay isa pang pagkilala sa lumalakas na industriya ng turismo.
Simple lang ang prinsipyo na gumagabay sa paglaki at paglawak ng aming negosyo. Hindi namin hangad ang maging pinakamalaki kundi ang maging pinakamabuti. Nais naming ialok sa mga Pilipino ang pinakamagandang bahay, pinakamagandang mall at sinehan, pinakamabuting karanasan sa hotel, pinaka-katangi-tanging coffee shop, panaderya at supermarket.
Hindi kami nag-iisa sa hangaring ito dahil malakas ang kumpetisyon. Ito rin ang nais ko dahil ang kumpetisyon ang lalong nagpapalakas sa amin. Maganda naman ito para sa ekonomiya at sa mga mamimiling Pilipino. Sa huli, tataas ang uri ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Inaasahan ko na magpapatuloy ang ating pag-unlad sa bagong taon. Sana ay mabawasan ang mga kontrobersiya at maragdagan ang magagandang pangyayari. Inaasahan ko ang mas maraming pagpapala sa mga Pilipino at ang pagtaas ng uri ng kanila pamumuhay.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)