Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at HANNAH L. TORREGOZA
Kasabay ng pagsalubong sa 2018, sinalubong din ng Malacañang ang mga tumutuligsa sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act ng administrasyong Duterte, iginiit na mas mahalagang isipin na mas maraming Pilipino ang makikinabang sa makasaysayang batas.
Ito ang sagot ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa mga nagsasabing tataas ang presyo ng ilang bilihin bunga ng pagbawas sa buwis ng mga manggagawang Pilipino dahil sa TRAIN.
Sa panayam ng radyo DZRH kahapon ng umaga, sinabi ni Andanar na ang mga kritikong ito ang nagpapanatili sa gobyerno na alerto sa lahat ng oras.
“Kasama naman ‘yan sa demokrasya – iyong mga tumutuligsa, iyong mga critics . And of course, kailangan po ay nandiyan ho talaga ‘yan, to also keep us in our toes,” ani Andanar.
Nilagdaan ni Duterte ang TRAIN nitong nakaraang buwan na aniya ay pinakamagandang pamasko ng kanyang administrasyon sa mamayaang Pilipono. Ipatutupad ang pagbawas sa income tax simula Enero 1, 2018.
Ang TRAIN, ang unang package sa comprehensive tax reform program (CTRP) ng administrasyong Duterte, ay naglalayong maitama ang ilang pagkukulang sa tax system upang ito ay gawing mass simple, patas, at episyente.
Sa ilalim ng TRAIN, babalikatin ng mayayaman ang malaking kontribusyon sa buwis at makikinabang ang mahihirap sa mas maraming programa at serbisyo ng pamahalaan. Makatutulong din ito para pondohan ang ambisyosong ‘Build, Build, Build!’ infrastructure program ng pamahalaan.
Isa sa pinakamalaking breakthrough ng TRAIN ay simula sa unang araw ng 2018, ang mga kumikita ng P250,000 bawat taon ay hindi na bubuwisan.
Umaasa naman si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara na ang mga reporma sa ilalim ng TRAIN law ay maghahatid ng inclusive growth sa lahat ng mamamayang Pilipino lalo na sa mahihirap.
Sinabi ni Angara, chair ng Senate Ways and Means Committee, na kahit marami pa ang kailangang gawin para mapabuti ang sistema sa pagbubuwis sa bansa, tinitiyak niya na ang initial tax reforms na ipatutupad sa ilalim ng TRAIN law ay makabubuti para sa lahat ng Pilipino.
“With this law, we have created a simpler, fair, and more efficient tax system where 99 percent of individual tax payers will benefit from income tax cuts,” saad sa pahayag ni Angara.
“This new measure is just the beginning. There is more work ahead of us in making taxes work for us, especially the poor, who must benefit more from government services,” dagdag niya.