Peping vs Ricky
Peping vs Ricky

Ni ANNIE ABAD

MASALIMUOT ang naging kaganapan sa pagtatapos ng taong 2017 bunsod na rin ng kontrobersiya na bumalot sa Philippine Olympic Committee (POC) at sa isyu ng kurapsiyon sa Philippine Karate-do Federation (PKF).

Sa pagpasok ng Bagong Taon, nakatuon ang pansin hindi lamang sa paghahanda ng Team Philippines sa pagsabak sa Asian Games sa Jakarta, Indonesia kundi sa kahihinathan ng pamunuan sa POC at ilang kaalyadong sports association.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Matatandaang sa desisyon na inilabas ni Pasig City Regional Trial Court Judge Maria Gracia Cadis-Casaclang na may petsang Disyembre 1, binalewala nito ang naging resulta ng halalan ng POC na nagluklok kay Jose ‘Peping’ Cojuangco bilang pangulo ng Olympic body sa ikaapat na termino.

Ayon sa desisyon, nilabag ng POC Election Committee ang by-laws ng body nang pigilan ang boxing president na si Ricky Vargas at ang chess official na si Bambol Tolentino na tumakbo sa nasabing eleksiyon bilang pangulo at chairman, ayon sa pagkakasunod.

Nadiskuwalipika ang dalawa dahil sa umano’y kakulangan sa attendance sa ginagawang POC General Assembly, na ayon sa RTC ay hindi klaro sa probisyon ng POC by-laws and constitution.

Dahil dito, ipinag-utos ng hukuman na magsagawa ng bagong halalan sa POC sa Pebrero 18.

Walang opisyal na pahayag si Cojuangco hinggil dito, ngunit nabanggit niyang pinag-aaralan na ng kanyang legal counsel ang magiging resulta ng desisyon sa relasyon ng bansa sa International Olympic Committee (IOC).

Naging sentro rin ng kontrobersya sina Joey Romasanta at Raymond Lee ng karate. Ang dalawa ay malapit na kaalyado ni Cojuangco.

Sa sinumpaang salaysay ng anim na miyembro ng Karate, sinabi nilang ibinigay lamang ni Lee, secretary general ng PKF, ang halagang 460 euro sa halip na US$1,600 na aprubado ng PSC bilang allowance sa kanilang pagsasanay sa Germany.

Pansamantalang nag-leave si Lee, habang si Romasanta ay kinukuwestiyon din sa kanyang pagiging pangulo ng isa pang asosasyon, ang Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. (LVPI) na ‘sapilitang’ ipinapalit sa PVF. Nasa opisina ng International Volleyball Federation ang usapin.

Ngunit bilang progreso, nakipagpulong na sa PVF si Tatz Suzara, isa sa mga opisyal ng LVPI at organizers ng Philippine Super Liga. Si Suzara, ay tumatayo ring marketing head sa Asia region ng FIVB.