NAKOPO ni Ace Matthew Pacis ang kampeonato sa katatapos na Lord Eric Arazas Hermosura Chess Cup nitong Huwebes ng gabi sa Barangay San Andres 2, Dasmarinas, Cavite.
Si Ace Matthew na malayong kamag-anak ni dating Olympian FIDE Master Adrian Ros Pacis ay nakakolekta ng walong panalo, isang tabla at isang talo sa kabuuang 8.5 puntos para kunin ang titulo sa 11 woodpushers na sumabak sa single round-robin format na pinangasiwaan ni sportsman Siegfred Yorac.
“Layunin ng event na ito na mai-promote ang chess sa grass roots level, magkaroon ng camaraderie ang mga chess player at makaiwas sa masasamang bisyo ang mga kabataan,” sabi ni Lord Eric Arazas Hermosura na dinala sa kampeonato ang University of Perpetual Help System sa Binan, Laguna sa three-peat title sa NCAA-South sa taong 2007 hanggang 2009.
Ang dating top board player ng nasabing unibersidad na si Hermosura na isa ring breeder ng Siberian Husky at abala din sa pagpapalaganap ng sports sa larangan ng Online Gaming Cabal Pilipinas (RoyalVampireZ).
Tumapos naman sa ika-2 puwesto si Emerson De Vera na may nalikom na 7.0 puntos habang magkasalo naman sa ika-3 hanggang ika-4 na puwesto sina Karlkent Ubanan at Romano Cruz na may tig-6.0 puntos.
Ang iba pang nakapasok sa top 10 ay sina Armando Magtanong (5.0 pts.), Justine Laxamana (5.0 pts.), Brian Quinto (5.0 pts.), Rodolfo Bartido (4.0 pts.), Nhiell Dann Quinto (3.0 pts.), at Andrie Quinto (3.0 pts.). - Gilbert Espeña