Nina ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN at VANNE ELAINE P. TERRAZOLA

Nag-upgrade sa “very good” ang net satisfaction ratings ng Senado, na 69 na porsiyento ang kuntento habang 14% naman ang hindi nasisiyahan sa pagtupad sa tungkulin ng mga senador, habang nananatili namang “good” ang nakuhang ratings ng Kamara, Korte Suprema, at Gabinete, ayon sa huling Social Weather Stations survey.

Sa survey ng SWS ngayong buwan, natukoy na 69% ang kuntento at 14% naman ang hindi kuntento sa trabaho ng Senado, na nagresulta sa net satisfaction na “very good” sa +56.

Ito ay 10 puntos na mas mataas sa “good” na +46 sa survey noong Setyembre ngayong taon.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Para sa Kamara, 59% ang kuntento at 16% ang hindi nasisiyahan sa trabaho ng mga kongresista, kaya nanatili ang net satisfaction rating nito sa “good” sa +43 sa huling survey, tumaas ng siyam na puntos mula sa +34 noong Setyembre.

Nanatili rin sa “good” ang net satisfaction rating ng Korte Suprema sa +37 (54% kuntento, 17% hindi kuntento) ngayong Disyembre, tumaas ng anim na puntos mula sa +31 noong Setyembre.

“Good” din ang net satisfaction rating ng Gabinete na may +38 ngayong Disyembre, tumaas ng anim na puntos mula sa +32 noong Setyembre.

Samantala, nagpasalamat naman si Senate President Aquilino Pimentel III sa pagtaas ng satisfaction rating ng Mataas na Kapulungan.

“I am grateful for the continued confidence shown in me by the Filipino people,” saad sa inilabas na pahayag ni Pimentel.

Tinukoy din ni Pimentel ang teamwork ng mga senador sa tumaas na ratings ng Senado sa kabila ng taliwas na mga paniniwala ng mayorya at minorya.

“It’s a team effort. The majority is blessed to have hardworking members and also a reasonable and cooperative — not obstructionists —minority,” ani Pimentel.

“My wish is that my colleagues in the Senate and I can keep their trust in 2018 as we work harder to improve the quality of life for all,” dagdag pa ng lider ng Senado.