Untitled-1 copy

MAAGANG pasisimulan ang mga exciting na karera ngayong Linggo, Disyembre 31, para sa pinakaabangang 4th Pasay ‘The Travel City’ Racing Festival sa Metro Turf Racing Complex sa Malvar-Tanauan, Batangas.

Apat na malalaking stakes races kasama na ang 9 Trophy Races na merong tumataginting na P5-milyon papremyo ang inihanda ng Metro Manila Turf Club, sa pakikipagtulungan ni Pasay City Mayor Tony Calixto para sa bayang karerista sa pagtatapos ng mga karera ngayong taong ito.

“Isang malaking karangalan para sa MMTC na nasa ikaapat na tayong edisyon nitong pantaunang karera para bigyan ng halaga ang Pasay City bilang isang pinakatampok na lugar sa bansa. Napakaganda ng line-up natin ng mga karera at tiyak na magiging exciting ang isang araw na ito bago tayo magtapos ng taon,” sabi ni MMTC chairman at president, Dr. Norberto Quisumbing Jr.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Pasisimulan ang mga karera sa Linggo ng tanghali.

Ang mga pinakatampok na mga karera ay kinabibilangan ng: 4th Pasay ‘The Travel City’ Cup at 4th Pasay Mayor Tony Calixto Cup na parehong may kabuuang papremyong P700,000 bawat isa; ang 3rd Pasay Former Mayor Eduardo “Duay” Calixto Memorial Cup, na mayroong total prize na P500,000; at ang P1-milyon Philracom Grand Sprint Championship.

Anim na exciting two-year-olds ang nakalinya para maglabanan sa top prize na P420,000 sa 4th Mayor Tony Calixto Cup at ito’y kinabibilangan nina: Victorious Filly – Jesse Guce 52; Sweet Dreams – Emilio Camanero Jr. 54; Sheer – Conrad Henson 54; at Hot To Trot – Rey Niu Jr. 52.

Ang sesegundo rito ay pagkakalooban ng P157,000 habang ang tersero’t quarto nama’y tatanggap ng P87,500 at P35,000, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, tatlong imported naman ang opisyal na entries sa 4th Pasay ‘The Travel City’ Cup na mayroon ding top prize na P420,000 para sa magkakampeon. Sila’y sina Atomicseventynine – Rodeo Fernandez 55.5, She’s Incredible – Arnold Asuncion 52, at Backdoor Cover – Jonathan Hernandez 52.

Tumataginting na P300,000 naman ang mapapanalunan ng magkakampeon sa 3rd Pasay Former Mayor Eduardo ‘Duay’ Calixto Memorial Cup na paglalabanan sa distansiyang 1,400 meters. Ang mga kalahok dito’y kinabibilangan nina: Pinagtipunan, Shoo In, Spectacular Flash, Magatto, Heiress Of Hope, at Our Meteor.

Sa Philracom Grand Sprint Championship naman, kung saan ang magkakampeon ay mag-uuwi ng P600,000 top prize, ang mga official runners ay kinabibilangan nina Smokin Saturday, Lakan, Song of Songs, at Showtime.

“Labis kaming nagpapasalamat sa pagbibigay ng karangalan sa aming Lungsod ng Pasay sa pamamagitan ng pakarerang ito na ngayon ay masasabi nang isang institusyon sa industriya ng karera. Asahan po ninyo ang aming buong-pusong pagsuporta at pakikilahok sa pantaunang pakarerang ito dito sa Metro Turf Racing Complex.”

Siyam na iba pang Trophy Races ang inihanda na may guaranteed prize na P150,000 at tropeo para sa mananalo habang ang lahat ng winning groom sa Linggo ay pagkakalooban ni Mayor Calixto ng isang sakong bigas bawat isa. Magbibigay din ang Philracom ng karagdagang papremyo para sa lahat ng Trophy Races. May karagdagan ding papremyong ipamimigay ang Philracom sa rating-based races kaya malalaking papremyo ang mahahakot ng mga mananalo.