anderson-porzingis copy

‘Boo-boo’ ni Harden, nagamit ng Celtics laban sa Rockets.

BOSTON (AP) – Naisalpak ni Al Horford ang game-winner mula sa magkasunod na offensive fouls ni James Harden sa krusyal na sandali para makumpleto ng Boston Celtics ang matikas na pagbalikwas mula sa 26 na puntos na paghahabol, at agawin ang 99-98 panalo sa napisot na Houston Rockets nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Sumambulat ang 12-0 run ng Rockets sa kaagahan ng laro at matikas ang opensa nina James Harden at Eric Gordon para itarak ang 62-38 bentahe ng Rockets sa halftime.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ngunit, bumalikwas ang Celtics sa third period, at sa pangunguna ni Kyrie Irving ay nagtumpok ng 20-4 para maibaba ang 26 na puntos na abante ng karibal sa 78-69.

Nanindigan ang Celtics reserves, sa pangunguna nina Marcus Morris at Terry Rozier, para tuluyang maidikit ang iskor sa 87-86 may limang minuto ang nalalabi sa laro.

Kagyat namang nakabawi ang Rockets at muling umabante sa three-pointer ni Harden, subalit hindi nawalan ng loob ang Celtics at sa gitna ng hiyawan ng home crowd ay nagawang makipagpalitan ng puntos para maging dikdikan ang inakalang one-sided game.

Matapos makaiskor sa dunk si Jayson Tatum para sa 97-98, natawagan ng offensive foul si Harden sa inbound play. May pagkakataon ang Houston na maipanalo ang laro, ngunit muling natawagan ng offensive foul si Harden na naging daan para sa go-ahead basket ni Harford may tatlong segundo ang nalalabi sa laro.

Nanguna si Irving sa Boston (29-10) sa naiskor na 26 na puntos, habang tumipa si Tatum ng 19 marker at nag-ambag sina Smart at Rozier ng tig-13 puntos.

Hataw si Harden sa natipang game-high na 34 na puntos para sa Rockets, nabigo sa apat na sunod na laro para sa 25-8 marka. Kumubra si Gordon ng 24 na puntos.

SPURS 119, KNICKS 107

Sa San Antonio, umiskor ng double digits ang Spurs starter, sa pangunguna ni LaMarcus Aldridge na may 25 puntos, para gapiin ang New York Knicks.

Kumana si Pau Gasol ng 17 puntos, 11 rebounds at pitong assists para sa San Antonio na tumatag sa 17-2 karta sa home game at ikatlong sunod na panalo ngayong season.

Naglaro ang Spurs na wala ang star player na si Kawhi Leonard, habang nagtamo ng injury si Rudy Gay sa ikatlong period.

Kumubra si Kyle Anderson ng 16 na puntos at walong rebounds, habang umiskor si Tony Parker ng 14 na puntos.

Umabot sa 17 puntos ang bentahe ng Spurs at tuluyang dinomina ang Knicks tangan ang mataas na 51 percent sa field goal.

Nanguna ang reserve forward na si Michael Beasley sa New York na may 23 puntos, habang kumana sina Courtney Lee at Kristaps Porzingis ng tig-18 puntos.

BUCKS 102, WOLVES 96

Sa Milwaukee, bumalikwas ang Bucks sa krusyal na snadali para burahin ang 20 puntos na bentahe ng Minnesota Timberwolves at agawin ang panalo, na ikinalugod ng nagbubunying home crowd.

Ratsada sina Eric Bledsoe at Giannis Antetokounmpo sa naiskor na 22 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Naisalpak ni Bledsoe ang three-pointer mula sa assists ni Antetokounmpo para matikman ng Bucks ang bentahe may 2:25 sa laro. Nasundan ito ng isa pang three-pointer ni Bledsoe at nakalusot ang lay-up ni Antetokounmpo mula sa assists ni Bledsoe para maagaw ang bentahe sa 100-93 may 1:04 sa laro.

Natuldukan ang four-game road winning streak ng Minnesota, na ‘tila kinapos matapos ang pahirapang 128-125 overtime victory kontra sa Denver.

Nagsalansan si Karl-Anthony Towns ng 22 puntos para sa Minnesota, habang umiskor si Andrew Wiggins ng 21 puntos.

MAGIC 102, PISTONS 89

Sa Orlando, Fla., naisalansan ni Elfrid Payton ang 19 na puntos, walong rebounds at walong assists para sandigan ang Orlando Magic sa pagputol sa nine-game losing streak nang diskarilin ang Detroit Pistons.

Kumubra si Evan Fournier ng 17 puntos at kumana si Aaron Gordon ng 14 puntos. Hataw din si Bismack Biyombo ng 12 puntos at 13 rebounds, at impresibo si Marresse Speights bilang pamalit sa na-injure na starter na si Nikola Vucevic, sa natipang 16 na puntos.

Nanguna si Tobias Harris sa Detroit, nagwagi ng lima sa huling anim na laro, habang humataw si Andre Drummond ng 17 puntos at 18 rebounds, at kumikig si Ish Smith ng 13 puntos, seven rebounds at limang assists.