Ni Jun Ramirez at Mina Navarro

Muling napigilan ng Bureau of Immigration (BI) officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isa pang pagtatangka ng international trafficking syndicate na makapagpasok ng tatlong miyembro ng pamilyang Iranian, na pawang nagpanggap na Belgians, sa bansa.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sinabi ni BI port operations division chief Marc Red Mariñas na inaresto ang mga Iranian nitong Disyembre 23 sa NAIA sa kanilang pagdating sakay sa Thai Airways flight mula sa Bangkok.

Agad hinarang ang mga Iranian, isang babae at dalawa nitong anak, at ibinook sa unang available flight patungo sa kanilang pinanggalingan.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Gayunman, nakiusap si Mariñas na huwag pangalanan ang mga pasahero dahil dalawa sa mga ito ay bata at kapwa biktima ng sindikato na nagbigay sa kanila ng pekeng Belgian passports.

“As a result of this incident, we have instructed our immigration officers to be doubly strict in examining the travel papers of arriving foreigners, particularly Middle Eastern nationals who present European passports,” sabi ng BI official.

Napag-alaman na nagsuspetsa ang BI officers sa Iranians nang magpakita ang mga ito ng Belgian passports para sa inspeksiyon.

Sila ay ini-refer ng immigration officer para sa ikalawang inspeksiyon sa kamay ng mga miyembro ng BI travel control and enforcement unit sa counter.

Iniulat na sa kanilang panayam sa mga pasahero ay hindi naipaliwanag ng mga ito ang kanilang travel itinerary o ang dahilan ng kanilang pagpunta sa Pilipinas.

Itinurn over ang kanilang Belgian passports sa BI anti-fraud section na nag-isyu ng certification na ang mga pasaporteng ito ay peke.